EPEKTIBO ngayong Huwebes ang pagsibak sa puwesto kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Sydney Hernia kasunod ng isinagawa nilang raid sa Century Peak sa Maynila.
Pinatawan ng 10-araw na Administrative Relief si Hernia sa ilalim ng General Orders 296 na aprubado ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, epektibo kahapon Nobyembre 6, 2024.
Magugunitang, sinampahan ng reklamo ng 4 Chinese national si Hernia at 14 iba pang pulis kaugnay sa umano’y extortion kasunod ng raid sa Century Peak Tower sa Malate, Maynila, dalawang linggo na ang nakararaan.
Ayon sa reklamo, ilegal umano ang pag-aresto sa ilang mga dayuhan at hindi man lang sila binasahan ng kanilang mga karapatan.
Sinabi rin ng isa sa mga dayuhan na sinubukan pa ng mga pulis na mangikil ng tig-P1M sa bawat isa sa kanila kapalit ng isang abogadong konektado umano sa mga nakatataas sa NCRPO at para sa kanilang kalayaan.
Sinubukan pa umano ng mga naarestong Chinese citizen na makipagtawaran sa mga pulis sa halagang P500K bawat isa kasabay ng paggawa ng paraan na makausap ang kanilang pamilya at humingi ng tulong sa mga abogado.
Sa inihaing kasong administratibo, hiniling din nila na isailalim sa preventive suspension ang mga inirereklamo upang hindi maimpluwensiyahan ang isasagawang imbestigasyon.
Sa panig ng inirireklamong heneral, bukas siya sa anumang imbestigasyon kasabay ng paninindigang hindi niya hahayaan ang anumang mali at ilegal na gawain sa ilalim ng kanilang hanay.
“I will not tolerate any wrongdoing within our ranks, and I firmly urge the accusers to substantiate their claims in the proper forum. The NCRPO fully welcomes any investigation into this matter, as it will provide a great opportunity to prove the regularity and legality of our actions.”
“This is a chance for the truth to prevail, and I am confident that the investigation will reveal that all procedures followed were lawful and proper. The NCRPO remains steadfast in its mission to combat criminality and protect the public from fraudulent activities. We stand ready to clear our names and reinforce our dedication to integrity and service,” pahayag ni PMGen. Sydney Hernia, Regional Director, NCRPO.
Nauna nang sinabi ng PNP na legal ang operasyon ng PNP – ACG at NCRPO sa kabila ng pagkuwestiyon ng iba sa paraan ng kanilang pagsisilbi ng warrant.
“Well they could always made their claims. Karapatan nila ‘yan if they would like to question the validity and basis ng police operation. They are not precluded from doing so but on the part of the PNP kausap ko kanina ang RD ng NCRPO, kausap ko rin mismo ang director ng ACG, they are standing by their police operation,” saad ni PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP PIO.
Hepe ng PNP-ACG, pansamantala ring sinibak sa puwesto dahil sa anomalya diumano sa nangyaring raid sa Century Peak Tower
Bukod kay MGen. Hernia, pansamantalang sinibak din ang direktor ng PNP Anti-Cybercrime Group na si PMGen. Ronnie Francis Cariaga.
Batay sa impormasyon ng complainant, nakita ang mga tauhan ni Cariaga na umakyat sa ika-23 palapag ng Century Peak Tower gamit ang hagdanan at sinasabing may ibang opisina na sinalakay ang mga operatiba.
Pero, paliwanag ng PNP-ACG, hindi gumagana ang elevator ng gusali kaya’t minabuti nilang gumamit ng hagdanan hanggang sa makarating sa kanilang target at kinailangan nilang takpan ang mga CCTV dahil nakahubad ang mga operatiba sa sobrang pawis dahil sa init ng panahon.
“That is their allegation. As far as the PNP ACG is concerned ay limited lamang ‘yung kanilang SW doon lamang sa 23rd floor,” dagdag ni Fajardo.
Wala pang opisyal na pahayag ang NCRPO at PNP-ACG ukol sa pagkakasibak sa mga tauhan nito.