NCRPO, iginiit na ‘di sila nagkulang sa pangangalap ng ebidensiya vs mga pulis na sangkot sa Jemboy Baltazar Case

NCRPO, iginiit na ‘di sila nagkulang sa pangangalap ng ebidensiya vs mga pulis na sangkot sa Jemboy Baltazar Case

IGINIIT ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr. na sapat at hindi sila nagkulang sa pangangalap ng ebidensiya laban sa anim na pulis na nasangkot sa insidente ng Mistaken Identity sa Navotas City na ikinasawi ng binatilyong si Jemboy Baltazar.

Una na kasing nagpahayag ng kanilang pagkadismaya ang pamilya ni Jemboy dahil isang pulis lamang ang nahatulan ng guilty sa nasabing krimen.

Hindi sapat anila ang hustisya sa sinapit ng kanilang kaanak na basta na lamang kinitil ang kaniyang buhay dahil lang sa pagkakamali ng mga pulis.

“Basta tayo nakapag-file at nakapag-imbestiga tayo nang maayos. ‘Yung mga ebidensyang kinalap natin at pinilahan natin ng kaso,” saad ni PMGen. Jose Melencio Nartates Jr., Regional Director, NCRPO.

Matatandaan na sa desisyon ni Navotas City RTC Branch 286 Judge Pedro Dabu Jr., nakasaad na walang elemento ng sabwatan sa krimen.

Sinabing ang service firearm ni Police Staff Sergeant Gerry Maliban lang ang nakatama kay Baltazar batay na rin ito sa resulta ng ballistic report at narekober na slug sa crime scene dahilan para hatulan ito na guilty sa kasong homicide.

Guilty naman sa illegal discharge of firearms ang hatol ng korte kina Police Executive M/Sgt. Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Edward Jade Blanco, at Patrolman Benedict Mangada dahil sa pagpapaputok nila ng baril sa tubig.

Habang absuwelto naman sa kaso si Police Staff Sgt. Antonio Bugayong dahil hindi umano napatunayang nagpaputok ito ng baril.

“Kaya nga natin nadismiss ang walo na tao, dalawang opisyal at anim na PNCO. Aside from that mayroon din tayong naparusahan na ibang parusa tulad ng suspension at demotion, labintatlo ‘yun,” dagdag ni Nartates.

Iginagalang naman ng PNP ang hinaing ng pamilya ni Jemboy, gayunpaman, tiniyak ng NCRPO na hindi nila hahayaang madungisan ang kanilang hanay dahil sa maling desisyon ng mga pulis tuwing may mga gagawing silang operasyon.

“Dito in our efforts para malinisan ang ranks natin, hindi lang matitigas ang ulo o mga talamak or deliberate ang mga ginagawa nilang kasalanan o pagtatrabaho nila ay sinasadya nila ay hindi lang ‘yun. Ang tinitingnan natin dito ang ‘yung tinatawag na malfeasance at misfeasance, ibig sabihin nagkamali through neglect, ibig sabihin ayaw lang nilang gawin kaya pinaparusahan natin at tinitingnan natin para maging mabuti ang pulis at maganda ang pagsi-serbisyo natin sa publiko,” aniya.

Sa panig ng Justice Department, pag-aaralan nila ang muling pag-apela sa desisyon ng korte laban sa iba pang mga pulis sa kaso ni Jemboy.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble