NCRPO, pinalalakas ang disaster response sa pamamagitan ng P1.1-M halaga ng bagong kagamitan

IBINIGAY ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang iba’t ibang kagamitan para sa search and rescue na nagkahalaga ng P1.1-M sa Regional Mobile Force Battalion (RMFB) nito.

Sinabi ni NCRPO Chief, Major General Vicente Danao Jr., mapalalakas nito ang kakayahan sa pagsalba ng RMFB sa panahon ng sakuna.

Kabilang sa mga kagamitan ang siyam na plastic spine boards with strap, siyam na equipment bag, 18 floater tubes/life rings, 11 floodlights, 90 floating vests, 72 rescue headlights, 72 rescue helmets, siyam na sets ng rescue ropes sa magkaibang sukat, siyam na 36-inch na chainsaws, dalawang rescue boast na may accessories, at dalawang yunit ng outboard motor (OBM).

“We have learned from the past typhoons, thus, I am giving paramount priority to Search and Rescue. Mananatiling ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan ang ating prayoridad. Suklian natin ang tiwala at pagmamahal na kanilang binibigay sa pamamagitan ng Pag Seserbisyong TAMA: Tapat, may Tapang at Malasakit para sa Mamamayan at sa ikabubuti ng buong sambayanan,”  ayon pa kay Danao.

Pinaalalahanan naman ni Danao ang RMFB troops na alagaan ang mga nasabing kagamitan.

Samantala, namamahagi rin ang NCRPO ng mga food items kagaya ng bigas, instant noodles, canned sardines, at personal protective equipment kabilang ang face masks at face shields sa iba’t ibang distrito ng Metro Manila at sa RMFB.

Tiniyak naman ni Danao na lahat ng donasyong natanggap ng NCRPO ay ibabahagi sa pinakamahirap na barangay sa pamamagitan ng “Serbisyong Tama: Caravan sa Barangay Program” ng NCRPO.

“Sisiguraduhin natin na ang kapulisan sa Metro Manila ay laging handang tumulong sa sa mamamayan sa anumang pamamaraan ,” aniya pa.

SMNI NEWS