NAGBABALA si Senador Bong Revilla, Jr. sa NCSC ukol sa posibleng kahihinatnan sakaling mabigo itong ipatupad ang Republic Act no. 11982 o ang Expanded Centenarian Law sa darating na Enero.
Binigyang-diin ng senador na dapat simulan na ng ahensya ang pamamahagi ng mga benepisyo pagsapit ng bagong taon.
Kung hindi, maaari itong harapin ang galit ng mga lolo at lola na matagal nang naghihintay ng biyayang ito mula nang lagdaan ang batas noong Marso 2024.
“Huwag magkakamali ang NCSC na hindi ito agarang ipatupad. Hindi naman nila siguro idi-disappoint ang ating mga lolo at lola na inaabangan na ito since last March,” ayon kay Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr.
Sa ilalim ng Expanded Centenarian Law ay tatanggap ng cash gift ang mga senior citizen na makakaabot ng 80, 85, 90, at 95 years old.
Sila ay mabibigyan ng tig-sampung libong piso.
Ang mga centenarian naman o ang mga senior citizen na aabot sa edad na isandaang taong gulang simula sa implementasyon ng batas ay makakatanggap ng one-time cash gift na isandaang libong piso.
“Sinugurado natin na mapondohan ‘yan sa General Appropriations Act (GAA) o 2025 National Budget. Nakipag-ugnayan tayo sa DBM para garantisado ang pondo. Now it’s in the NCSC hands to fully implement it and ensure that no lolo and lola will be left behind,” saad nito.
Inaasahan naman na halos dalawandang libong senior citizens ang makikinabang sa ilalim ng nasabing batas.