WELCOME para sa National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Finance (DOF), at Department of Trade and Industry (DTI) ang ginawang paglagda ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Executive Order (EO) No. 166.
Inihayag ng economic managers na ang naturang EO ay magpapalakas ng implementasyon ng 10-point-policy agenda ng economic development cluster para magtuloy-tuloy ang ‘recovery’ ng bansa.
Sinabi ni Finance Secretary Carlos G. Dominguez III na kapuri-puri ang ‘decisive steps’ ni Pangulong Duterte na nakalinya sa economic recovery programs.
Ang mga estratehiyang ito, ani Dominguez, ay magpapanatili sa malakas na pagbangon ng bansa mula sa pandemya at maibalik ang landas tungo sa mabilis at inklusibong paglago ngayong taon.
Saysay naman ni Trade Secretary Ramon M. Lopez, sa pamamagitan ng nasabing EO, matutulungan ng DTI ang mas maraming kumpanya na umangkop at ituloy ang ganap at ligtas na muling pagbubukas ng ekonomiya.
Dagdag naman ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick T. Chua, nagpapasalamat ang economic managers kay Pangulong Duterte sa pagsuporta sa 10-point-policy agenda.
Saad ni Chua, masidhi nilang ipagpatuloy ang natitirang mga item sa agenda upang makatulong na mapabuti ang mga inaasahang paglago at pangalagaan ang domestic economy.
NEDA, hinimok na ibalik ang in-person classes sa mga lugar na nakasailalim sa Alert Level 1
Nanawagan ang National Economic and Development Authority (NEDA) para sa pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralang napasailalim sa Alert Level 1.
Ayon sa Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick T. Chua, hindi maaaring ma-maximize ng bansa ang benepisyo ng Alert Level 1 kung walang face-to-face classes.
Sinabi rin ni Chua na ang pagbubukas ng lahat ng 60,743 na paaralan sa bansa para sa in-person learning ay makadadagdag sa economic activity ng 12 bilyong piso kada linggo.
Ani Chua manggagaling ito sa mga serbisyo na nakapalibot sa mga paaralan gaya ng transportasyon, dorms, food stalls, school materials at iba pa.
Samantala, tinanggap naman ng mga miyembro ng economic cluster ang pag-isyu ng EO 166 kung saan ipinag-utos ni PRRD ang adoption ng 10-point agenda kung saan kasama ang pagbabalik ng face-to-face classes.