PINAKANAGUSTUHAN ni Chief Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile sa unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagsasabatas ng New Agrarian Emancipation Act.
Kinasihayan ni Enrile ang layunin ng batas na hindi na kailangan pang bayaran ng mga magsasaka ang kanilang mga utang kabilang ang interest at mga penalty sa ibinigay na lupa sa agrarian reform beneficiaries sa ilalim ng Presidential Decree 27 at RA 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988.
Aabot sa mahigit na 600 libong agrarian reform beneficiaries ang makikinabang sa naturang bagong batas.
Agrikultura ang sentro ng administrasyon ni PBBM—Sec. JPE
Dahil dito, sinabi ni Enrile na nangangahulugan na agrikultura ang sentro ng administrasyong Marcos.
“Pinatawad niya ang utang ng lahat ng magsasaka natin na nabigyan ng lupa, sapagkat sa ngayon hindi nila kaya bayaran ‘yung presyo ng mga lupa na binigay sa kanila. At dyan mo makikita na agrikultura ang sentro ng kanyang administrasyon,” pahayag ni Sec. Juan Ponce Enrile, Chief Presidential Legal Counsel.
Ipinakikita rin aniya ng Pangulo bilang isa ring kalihim ng Department of Agriculture na malinaw na tututukan niya ang sektor ng agrikultura sapagkat ito ang pinakamalaking problema ng bansa.
Dagdag pa ni Enrile, agrikultura ang sentro ng pag-iisip ni Pangulong Marcos kung kaya’t ganoon na lamang din ang kagustuhan ng Pangulo na mapabuti ito bilang Department of Agriculture Secretary.
Samantala, naniniwala si Enrile na ang paglagda ng Pangulo ng Maharlika Investment Fund Act ay malaking tulong sa pangkabuuang ekonomiya kung saan kabilang na ang sektor ng agrikultura.