BUWAGIN na lang ang National Food Authority (NFA) dahil sinuway nito ang kanilang mandato na tulungan ang mga magsasaka.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So sa panayam ng SMNI News, mukhang mas pinipili na ng NFA ang bumili ng bigas mula sa ibang bansa imbes na bumili mula sa lokal na magsasaka.
Sa katunayan aniya, nilakihan pa ang pondo ng NFA para makabili ng marami-rami mula sa magsasaka.
Subalit ang nangyari, pumunta na mismo ang administrator ng NFA sa India para sa importasyon ng bigas doon.
Ipinunto ni So na malinaw na salungat ito sa ninanais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang domestic production sa agri sector.
Sa mandato ng NFA na mag-imbak ng bigas na inilalaan para sa kalamidad lang, sinabi ni So na hindi ito magiging problema sa suplay na kinakailangan ng mga Pilipino araw-araw.