POSIBLENG matanggalan ng prangkisa ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa iba’t ibang problema sa kuryente sa bansa.
Araw ng Miyerkules ay umarangkada ang pagdinig ng Senado sa iba’t ibang problema ng suplay ng kuryente sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy ay nasermonan ang NGCP, ang pribadong kompanya na namamahala sa transmission ng kuryente sa Pilipinas.
Pinag-initan ng mga senador ang umano’y delay sa transmission projects.
Pinuna rin na ang umano’y 95% na kita ng NGCP ay napupunta umano sa mga bulsa ng mga shareholders at hindi sa pagpapaunlad ng kanilang serbisyo.
“What the F! Bakit po ganun? Puro pagkakamkam po ng salapi ang nasa utak niyo dyan sa NGCP. Wala na kayong concern para sa kapakanan ng bayan,” saad ni Sen. Raffy Tulfo.
“Actually we don’t have an exact figure. We will provide Mr. Chairman,” ayon kay Atty. Ronald Concepcion, Assistant Corporate Secretary, NGCP.
Uminit din ang ulo ni Tulfo nang makumpirma na binara ng NGCP ang mga tauhan na pinadala ng Transmission Commission para sa isang surprise inspection.
Posible aniya kasi na may tinatago ang NGCP.
“We confirm your honor that the NGCP did not allow some of our subcon… makakasuhan kayo ng tresspassiong di po ba? ani Atty. Donna Caloza-Aleria.
Sa isang interview sa media, sinabi ni Tulfo na ang mga pagkakamali ng NGCP ay posibleng maging dahilan sa pagka-revoke ng kanilang prangkisa.
“So far sa nakikita ko kailangan siguro tingnan yung papaano ma-revoke ang kanilang prangkisa at magkaroon ng smooth transition at maibalik yung sa gobyerno sa pamamagitan ng Transco,” dagdag ni Tulfo.
Pero sa pananaw ni dating Senate President Juan Ponce Enrile, hindi lamang NGCP ang dapat sisihin sa problema sa kuryente sa bansa.
Sa isang programa sa SMNI, sinabi ni Enrile na hindi sa NGCP na namamahala lamang sa transmission ng kuryente kundi maging ang producers mismo ng kuryente ang dapat habulin.
“Alin sa mga producers ang hindi nag produce? Electric generators/producers and hindi nag produce?… It cannot be the grid because they do not produce their own electricity. It cannot be Meralco because they do not produce unless mayroon syang subsidiary ng producer ng electricity,” ayon naman kay Juan Ponce Enrile, Former Senate President.
Sa programa sa telebisyon ay kabilang sa binanggit ni Enrile na power producer ay ang mga Lopez, Aboitiz at iba pang pribadong kompanya.
Paalala naman ni Hernan Laurel na isang history expert na posibleng may ibang kompanya na interesadong palitan ang NGCP bilang tagapamahala sa transmission ng kuryente sa bansa.
Sa huli ay pinasubpoena ni Tulfo ang ilang dokumento ng NGCP. Maaari aniya itong magpapatibay sa ebidensiya para sa pagpapa-revoke sa kanilang prangkisa.