NHA kinukuwestiyon sa pagpapalayas sa mga lehitimong residente ng isang subdibisyon sa Muntinlupa

NHA kinukuwestiyon sa pagpapalayas sa mga lehitimong residente ng isang subdibisyon sa Muntinlupa

KINONTRA ni Atty. Silverio Garing ang pahayag ni Officer-In-Charge Lorelie Dooc ng South District 2 Office ng NHA na pagmamay-ari umano ng Bureau of Corrections (BuCor) ang lupang kinalalagyan ng mahigit pitong libong residente sa Southville-3 Subdivision.

Ayon kay Atty. Garing, may titulo ang bawat lupang kinatitirikan ng mga pamamahay ng mga residente sa Southville-3—patunay na sa kanila ito at hindi pagmamay-ari ng BuCor.

15 taon na ang nakalilipas, pinirmahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Presidential Proclamation na naglalaan ng 500,000 square meters sa Southville-3 para sa 8,000 pamilya na dati ay naninirahan sa riles ng tren sa Muntinlupa.

Sinabi ni Atty. Garing na bawat awardee ay binigyan ng 32 square meters o 34 square meters kung nasa sulok ang kanilang bahagi ng lupa.

Nagsimula ang alitan sa pagitan ng NHA at ng mga residente ng Southville-3 nang makatanggap ng Notice of Eviction ang mga residente dahil umano sa iba’t ibang paglabag. Pinaninindigan ng NHA na hindi na kailangan ang court order para palayasin ang mga nakatira doon dahil sa paglabag sa Usufruct Agreement ng mga awardee. Ito ay batay sa Presidential Decree 1472.

Nakasaad sa Section 2 ng Presidential Decree No. 1472 na binibigyan ng kapangyarihan ang NHA na palayasin ang mga squatter o ilegal na nakatira sa mga ari-arian nito nang hindi na kailangan pa ng utos ng hukuman.

“Pinahiram lang ng BuCor ang lote for 50 years so Usufract Agreement po ang lote. Ang binabayaran ng residente ay ‘yung bahay at ang development cost ng project which is P125,000.00.”

“‘Yun pong Usufruct after 50 years depende sa BuCor kung babawiin ba nila o hindi,” pahayag ni Lorelie Dooc, Office-In-Charge, M/T/P/M South Dist. 2 Office, NHA.

“Sumasalamin hindi niya naintindihan ‘yung sinasabi niya, ilang beses ko na bang sasabihin na may titulo na eto. Ang titulo niyan nasa National Housing Authority, hindi ko alam kung nagmamarunong sya o nagmamagaling. Even BuCor, wala pa sa pangalan ng BuCor ‘yung titulo na kinalalagyan ng ating National Bilibid Prison,” saad ni Atty. Biyong Garing, Former Registrar of Deeds / Congressional Candidate, Lone District of Muntinlupa.

Giit ni Atty. Garing, malinaw na malinaw na hindi squatter ang nakatira sa Southville-3 kundi mga awardee.

“In this case hindi niya pwedeng i-apply ang batas na ‘iyon sa mga nakatira sa NHA Southville-3 because they are lawful occupants. They are awardees.”

“Kahit himayin natin ang Usufruct Agreement, wala akong makita dito na pwede syang mag padlock nang walang court order,” dagdag ni Garing.

Nakapagtataka rin aniya kung bakit sa loob ng 15 taon matapos ipagkaloob sa mga awardee ang housing ay bakit ngayon lang sila nagbibigay ng Notice of Eviction.

Samantala, ito naman ang babala ni Garing sa NHA kung ipagpapatuloy niya ang pagpa-padlock sa mga bahay ng awardees na walang court order.

Si Garing ay 22 taong nagsilbi bilang Registrar of Deeds sa Muntinlupa at siya mismo ang nanguna sa pagproseso ng mga dokumento ng mga awardee sa Southville-3. Siya rin ang kasalukuyang Congressional Candidate ng Lone District of Muntinlupa para sa 2025 midterm elections.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble