NIA, target na patubigan ang 1-M ektarya ng lupa sa buong bansa sa ilalim ng PPP

NIA, target na patubigan ang 1-M ektarya ng lupa sa buong bansa sa ilalim ng PPP

TARGET ng National Irrigation Administration (NIA) na makalikom ng P800 bilyon upang maisakatuparan ang patubigan sa mga lupain sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP).

Sa isang pulong balitaan, isa-isang idinetalye ni NIA Administrator Benny Antiporda ang kanilang mga plano para sa pagpapatubig sa mga lupain sa bansa.

Kabilang na rito ang humigit-kumulang 1 milyong ektarya na nais patubigan ng NIA.

Ayon kay Antiporda, kinakailangan ng sapat na pondo rito upang maisakatuparan.

Kaya naman, palalakasin ng NIA ang relasyon sa mga pribadong sektor upang makalikom ng P800 bilyon para sa naturang proyekto.

“So ang pera po sa halip na umasa po tayo sa pondo ng gobyerno eh magri-raise po tayo ng 800 billion pesos para po dito coming from projects of PPP – Public-Private Partnership. Ang PPP po, maaari po silang kumita… ang sinasabi nga nila, “Eh paano ‘yan, libre ang tubig. Eh, anong kikitain noong mag-i-invest?” pahayag ni Antiporda.

Palalakasin din ng ahensiya ang Public-Private Partnership, ito ay upang makatulong sa pagpopondo at para matukoy ang mga potensyal na lugar para sa renewable energy, aquaculture, at agro-tourism development sa buong bansa.

Plano rin ng NIA na bumuo ng mga dam at reservoir sa buong bansa upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig hindi lamang para sa irigasyon pati na rin para sa pagbuo ng kuryente at pagkonsumo ng kuryente.

“Marami po tayong dams na mayroon pong hydro-electrical power plant, mayroon po tayong tinatawag na solar panels, mayroon din po tayong tinatawag na aquaculture. Iyan pong atin pong kanal ay pinag-aaralan na rin po natin na iyong buong kanal po, kahit na po isandaang kilometro pa iyan o singkuwenta kilometro siya eh tatakpan po natin ng solar panel lahat iyan para ho ma-harvest naman natin iyong tinatawag nating renewable energy,” ani Antiporda.

Kasunod nito ay maglulunsad ang NIA ng proyektong ‘NIA Para sa Bayan’ na layunin nito ay mapabuti ang patubig sa bansa.

Pagtitiyak ni Antiporda na sisikapin ng ahensiya na mabigyan ng patubig ang mga Pilipino at giit nito kung titingnan aabutin ito ng 40 taon para maisakatuparan.

Pero base na rin sa mandato ni Pangulong Bongbong Marcos sa NIA na kailangan maibigay ito sa loob ng anim na taon.

“Ito ho iyong direksiyon ngayon ng NIA natin, na kung sasabihin po napakaambisyoso naman… within six years tatapusin iyan. Hindi po, within six years po mairu-rollout po lahat iyan para ho sa ating mga susunod na henerasyon na makinabang dito. This has been long overdue ano po. When the President asked about irrigation in the country, it was informed to him na aabutin pa ng 40 years before we can irrigate the whole of the irrigable lands in the whole country ‘no. But again the President is decisive and what he told us is he wants this done within six years ‘no, six years kailangan magawa na ito,” ayon kay Antiporda.

Pagtitiyak naman ni Antiporda na sa ilalim ng Marcos administration, ibibigay ng ahensiya ang nararapat na serbisyo lalo na sa mga magsasaka na nahirapan sa patubig.

Follow SMNI News on Twitter