MALUGOD na tinanggap ng Philippine National Police (PNP) ang paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Law.
Sa pahayag ni PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Roderick Alba, sinabi nito na ang batas ang magbibigay ng ngipin upang maparusahan ang mga kriminal na gumagamit ng iba’t ibang numero sa iligal na gawain.
Mula nang magsimula ang pandemya, lumipat na aniya ang mga tradisyunal na kriminal sa online gamit ang telecommunication at cyberspace platforms.
Sa datos ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG), nakapagtala ito ng kabuuang 4,254 SIM card related offenses mula Enero hanggang Setyembre 2022.
Ayon kay Alba, hindi pa kasama sa datos ang mga kaso na hinahawakan ng ibang yunit ng PNP, iba pang institusyon ng gobyerno at mga hindi naiulat ng mga biktima.
Kasabay nito, umaasa ang PNP na matatanggap ng publiko ang benepisyo na hatid ng mandatory SIM Card Registration.