Nilalaman ng Social Pension Act, aaraling maigi ng DBM; Pondo para sa implementasyon ng batas, tiniyak

Nilalaman ng Social Pension Act, aaraling maigi ng DBM; Pondo para sa implementasyon ng batas, tiniyak

MASUSING pag-aaralan ng Department of Budget and Management (DBM) ang nilalaman ng Republic Act No. 11916 o Social Pension Act.

Tugon ito ni DBM Secretary Amenah Pangandaman kaugnay ng paglalaan ng pondo para sa pagpatutupad ng naturang batas.

Ang Social Pension Act ay naglalayong magtaas ng social pension ng indigent senior citizens.

Saysay ni Pangandaman, dahil ito ay naisabatas na, nararapat lamang na hanapan ng pondo ang pagpatutupad nito.

Idinagdag pa ng kalihim na masusing makikipag-coordinate ang DBM sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa National Commission of Senior Citizens, na siyang implementing agencies ng nasabing batas.

Ito ay upang malaman ng DBM ang aspeto ng pag-develop ng implementing rules and regulations (IRR) o guidelines sa implementasyon nito.

Tiniyak naman ng Budget Department na agad itong magbibigay ng update oras na maisapinal na ang IRR ng batas sa pakikipag koordinasyon sa DSWD.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11916, ang dating P500 ay dodoblehin at gagawing P1,000 ang buwanang pension ng mga mahihirap na senior citizens.

Ito’y makaraang mag-‘lapse into law’ ang panukala noong Hulyo 30, 2022.

Una nang inihayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na mabebenipisyuhan ang nasa mahigit 4 milyong mahihirap na senior citizens ng naturang pagtataas ng social pension.

Aniya nasa P22 billion-P24 billion bawat taon ang kailangan upang mapondohan ito.

 

Follow SMNI News on Twitter