Niraid na POGO hub sa Tarlac, iniimbestigahan dahil posibleng nagagamit sa surveillance at hacking sa mga govt website—PNP

Niraid na POGO hub sa Tarlac, iniimbestigahan dahil posibleng nagagamit sa surveillance at hacking sa mga govt website—PNP

MASUSI nang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang mga sinabi ni Sen. Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senado kamakailan.

Sabi niya, posibleng sangkot sa surveillance at hacking incidents sa mga website ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang kumpaniyang Zun Yuan Technology Inc.

Ang Zun Yuan Inc. ay isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na nakabase sa Baofu Compound sa Bamban, Tarlac na sinalakay ng mga awtoridad noong isang buwan dahil sa pagkakasangkot nito sa malawakang scamming.

Sa panayam ng media kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, sinabi niya na kung totoo man ang impormasyon ay umaasa sila na makakuha ng karagdagang impormasyon mula sa tanggapan ni Hontiveros.

“On the part of the PNP, kung totoo po na itong ni-raid po na POGO hub diyan po sa Bamban, Tarlac ay involved po sa any hacking or any spy espionage activity, we will gladly coordinate po sa office po ni Senador Hontiveros. But, on the part of the PNP, ‘yung ating ACG is now closely coordinating with DICT to verify these informations shared by the senator,” ayon kay Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Iba pang POGO hub sa Metro Manila, sinisilip na rin sa posibleng kaugnayan sa mga hacking sa mga govt website—NCRPO

Ang National Capital Region (NCR) bilang isa sa may pinakamalaking ekonomiya sa bansa, isa ngayon sa mahigpit na binabantayan ng PNP dahil sa makailangn operasyon na rin sila laban sa mga ilegal na POGO hub.

Sa kaniyang pagharap sa media, tiniyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Police Major General Jose Melencio Nartates Jr. ang kanilang tuluy-tuloy na pagbabantay sa mga ilegal na aktibidad sa Kalakhang Maynila.

“A matter of coordination again sa kanila ang documentation. Actually, pumupunta tayo sa kanila para kung mayroon man silang reklamo, puntahan agad nila ‘yung pulis at kung tayo ay mayroon tayong io-operate, mayroon tayong huhulihin at iimbestigahan ay hindi sila magtatago,” wika ni MGen. Jose Melencio Nartates Jr. Regional Director, NCRPO.

Gayunman, sinabi ng PNP na mahigpit nang nakikipag-ugnayan ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa iba pang ahensiya para beripikahin ang mga nakukuha nilang impormasyon partikular na sa isyu ng hacking.

Matatandaang ilang government websites na ang tinangkang pasukin ng mga hacker pero hindi naman lahat ng ito ay nagtagumpay.

Aminado ang pamahalaan na mahina pa sa ngayon ang cybersecurity ng bansa kaya’t hindi exempted ang Pilipinas sa mga hacking incident bagay na unti-unting pinalalakas ng awtoridad para hindi makompromiso ang mga mahahalagang dokumento ng mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble