DADAGDAGAN ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation ang metal barriers sa kahabaan ng mga toll road nito upang maiwasan na ang mga insidente ng pagkabangga sa mga tulay.
Pahayag ito ni NLEX Traffic Management head Robin Ignacio matapos mabangga ang isang overheight na truck sa Marilao Interchange Bridge.
Inamin naman ni Ignacio na hindi nila agad na-detect ang overheight na truck nang pumasok ito sa expressway.
Sa toll road aniya, kapag overheight ang truck ay pinapa-divert ng ibang lane ngunit dahil nga hindi nabantayan ang isang bumangga ay nagkaroon na ng insidente sa Marilao Interchange Bridge.
Upang maiwasan, maglalagay sila ng mas maraming personnel at barriers para madaling matukoy ang overheight na mga truck bago pa makapasok sa expressway.
Hinimok din ni Ignacio ang mga may-ari ng truck na tiyaking sumusunod ang kanilang mga sasakyan sa itinakdang vertical clearance.
Ang Marilao Interchange Bridge ay isa sa pinakamababang tulay sa NLEX dahil luma na ito.
Hindi ito tulad ng mga tulay sa SCTEX na sumusunod sa kasalukuyang height standards ng Department of Public Works and Highways (DPWH).