ISANG manhunt operation ang ginawa ng mga personahe ng tactical support ng mga tauhan ng 65th Special Action Company ng 6th Special Action Battalion, at Force Support Battalion ng PNP Special Action Force sa pakikipagtulungan ng Sagay Component City Police Station ng Negros Occidental Police Provincial Office, bilang lead unit, at Cadiz Component City Police Station.
Ang nasabing operasyon ay nagresulta sa matagumpay na pag-aresto kay alyas “Bayron” sa Brgy. Fabrica, Sagay City, Negros Occidental.
Ang nasabing naarestong indibidwal ay nakalista bilang No. 4 Most Wanted Person Provincial Level ng Negros Occidental PPO at No. 1 Most Wanted Person City Level ng Sagay Component CPS.
Siya ay naaresto sa bisa ng isang Warrant of Arrest para sa kasong Murder na ipinalabas ng Regional Trial Court, 6th Judicial Region, Branch 73, Sagay City, Negros Occidental, noong Pebrero 12, 2025.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sagay Component City Police Station ang naarestong suspek para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Ayon sa Special Action Force, ang tagumpay ng operasyon ay patunay ng epektibong pagtutulungan ng iba’t ibang yunit ng tagapagpatupad ng batas sa pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad, at kaligtasan ng publiko sa rehiyon.