MARIING tinutulan ng Quezon City government ang pahayag ng Land Transportation Office (LTO) na dapat suspendihin ng mga local government units ang No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Dagdag ng QC LGU na kailangan magkaroon ng magandang pag-uusap sa lahat ng mga stakeholders upang maliwanagan sa tamang guidelines ng pagpatutupad dito.
“Given the ongoing discussions, the NCAP is not suspended in Quezon City as of this writing,” pahayag ng Quezon City government.
Dahil dito, nagkaroon ng pagpupulong ang QC LGU, kasama ang LTO at mga transport groups.
“The Quezon City government is in talks with the Land Transportation Office (LTO) to resolve issues regarding some stakeholders’ requested suspension of the No Contact Apprehension Program (NCAP),” saad ng QC LGU.
Maliban diyan, nakikipag-usap din ang QC LGU sa iba pang mga LGU upang pag-usapan ang pagpapataw ng kaparehong multa.
Anila, bilang bahagi ng 14-point agenda ng lungsod, patuloy nilang pinakikinggan ang mga sentimyento at alalahanin ng kanilang mga residente lalo’t may kaugnayan sa NCAP.
“As part of our 14-point agenda, we continue to listen to the sentiments and concerns of QCitizens, and their voices are being heard and taken into consideration as we fine tune NCAP,” ayon sa Quezon City government.
Pagtitiyak ng QC LGU, hindi kailangang alalahanin ng mga motorista ang tungkol sa hindi patas na pagpataw ng mga parusa na may kaugnayan sa NCAP ordinance.
“We wish to stress that motorists need not worry about the unfair imposition of penalties, since the Quezon City NCAP ordinance provides for an adjudication board where violations captured on video can be contested or questioned. In such cases, if complaints are found to be justified, penalties are lifted,” ayon sa lungsod.
Matatandaang, hinimok ni LTO Assistant Secretary Teofilo Guadiz III ang mga LGU na suspendihin ang NCAP dahil sa samu’t saring reklamo na natanggap ng ahensiya mula sa mga operator ng mga public utility vehicle.
Kabilang sa mga natanggap na reklamo mula sa mga operator ang mahal na multang ipinapataw sa kanila dahil sa mga traffic violations na nagawa ng mga driver.
Dahil dito, patuloy ng pinag-aaralan ng LTO ang polisiya sa NCAP katuwang ang mga LGU.
Mababatid na nasa P2,000 ang multang ipinapataw para sa unang offense, kaya naman hiling ng mga transport groups na bilisan ang pagpapaplantsa sa polisiya upang hindi malugi ang mga operator mula sa mga violation ng mga drayber.