No face mask, no entry policy, ipatutupad sa mga sementeryo sa QC ngayong Undas

No face mask, no entry policy, ipatutupad sa mga sementeryo sa QC ngayong Undas

POSIBLENG hindi papahintulutang makapasok sa loob ng sementeryo ang mga bibisita sa mga puntod ng kanilang mahal sa buhay kung hindi susuutin ang kanilang face mask pagpasok sa mga sementeryo.

Sa Facebook post ng Quezon City LGU, mahigpit nilang ipatutupad ang ‘no face mask, no entry policy’ sa mga sementeryo bilang pag-iingat sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19.

Kaya naman, hinihikayat ng Quezon City government ang publiko na magsuot pa rin ng face mask kapag dadalaw sa mga sementeryo ngayong Undas.

Pinapayuhan din ang mga bibisita na huwag nang isama sa sementeryo ang mga batang 12-anyos pababa na hindi pa bakunado at gayundin ang mga may nararamdamang sintomas ng COVID-19.

Samantala, sa mga nagpa-planong pumunta sa mga sementeryo bago ang Undas ay maaaring bumisita sa Bagbag Cemetery at Novaliches Cemetery mula 6:00 am – 9:00 pm habang sarado naman ang Baesa Cemetery.

Paalala ng QC LGU na hanggang Biyernes, Oktubre 28 na lang papayagan ang paglilinis, pagpinta, pagsasaayos ng mga puntod at libingan.

Pansamantalang sususpendihin din ang interment operations para sa mga pampublikong sementeryo mula Oktubre 28 hanggang sa Nobyembre 2, 2022.

Samantala, hinihikayat ang mga pribadong sementeryo na limitahan ang mga oras ng pagbisita at ipagbawal ang magdamag na pamamalagi ng mga bisita.

Mananagot naman sa batas ang mahuhuling gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, armas, matatalim na bagay, umiinom ng alak, mga gamit pang-sugal at malalakas na speaker gayundin ang mga nagnanakaw, nambabastos at nanggugulo sa loob ng sementeryo.

Follow SMNI NEWS in Twitter