No ID, No Entry sa Metro Manila, ipatutupad simula ngayong araw ng Lunes

HINDI na makakapasok sa Metro Manila ang mga empleyadong naninirahan sa probinsiya pero nagtatrabaho sa Metro Manila kung hindi makakapagpakita ng Idenfication Card.

Sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na simula ngayong araw ng Lunes, Marso 16 ay maghihigpit na ang mga otoridad sa mga checkpoints na ipinapatupad sa mga border ng Metro Manila.

Ayon kay Lopez, dapat may maipakitang company ID o proof of employment ang mga empleyado bilang katibayan na sa Maynila sila nagtatrabaho.

Sinabi naman ni Ca­binet Secretary Karlo Nograles na magpupulong ang Inter-Agency Task Force upang makapaglabas ng polisiya patungkol sa mga empleyado sa NCR na naninirahan sa mga kalapit na probinsya.

Binigyan diin naman ni acting PNP Spokesman Maj. Gen. Benigno Durana Jr. na, mahalaga na mamonitor ang mga papasok at lalabas ng Metro Manila.

Samantala, nasa 40, 000 police personnel ang ipakakalat ng PNP sa pagpapatupad ng community quarantine sa Metro Manila.

Mga lalabag sa curfew, maaaring arestuhin kung papalag sa mga otoridad

Maaaring arestuhin ang sinumang lalabag at papalag sa pagsita ng mga otoridad sa ipinatutupad na curfew sa Metro Manila sa gitna ng community quarantine dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, sisitahin ng mga otoridad ang sinumang makikita sa labas habang curfew at aabisuhan ang mga ito na umuwi na lamang kung di rin lamang mahalaga ang lakad nito.

Nilinaw ni Año na tanging ang mga taong may essential travel lamang ang papayagang lumabas sa loob ng curfew mula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng madaling araw.

Una nang sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia na hindi papayagan ng otoridad ang mga tao na lumabas para mag-strolling, malling o bumisita sa mga kamag-anak.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.