TULUYAN nang naisabatas ang pagbabawal sa ‘No Permit No Exam’ policy sa mga paaralan.
Mula Kindergarten hanggang Grade 12 ay hindi na puwedeng pagbawalan mag-exam ang isang estudyante dahil sa hindi pa bayad na matrikula.
Ito ay matapos maisabatas kamakailan ang Republic Act No. 11984 o ang No Permit No Prohibition Act.
“No youth should worry that they could not take an exam or that they could not graduate because they have no funds. Poverty should never cripple them and shatter their dreams,” pahayag ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Ipinaliwanag ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr., ang pangunahing may akda ng nasabing batas, na sa pamamagitan nito ay makakasiguro ang mga estudyante na sila ay makakapag-exam kahit meron pa silang ‘di nakukumpletong obligasyon sa paaralan.
Nakasaad rin aniya dito na ang city social welfare officers sa lungsod o municipalidad ay maaaring magbigay ng sertipikasyon sa mga estudyante na apektado ng kalamidad, may emergency, o anumang balido na rason.
Ang opisina ni Revilla ang naglabas ng signed copy ng nasabing batas na may pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Batay sa dokumentong ito ay napirmahan noong Marso 11, ang araw kung saan lumipad si Marcos papuntang Germany para sa isang official visit.