SINIMULAN na ngayong Enero ang istriktong pagpatutupad sa ‘No QR Code, No Entry Policy’ para sa lahat ng papasok sa mga pribado at pampublikong establisimyento sa lungsod ng Muntinlupa sa pamamagitan ng paggamit ng Staysafe.PH contact tracing app.
Ito ay ginawang hakbang ng lungsod upang paigtingin ang contact tracing ng lokal na pamahalaan laban sa malawak na banta ng COVID-19 sa bansa at sa patuloy na pagtaas ng kaso nito.
Alinsunod sa ipinasang ordinansa, kailangan lang i-download ang application at magrehistro para magkaroon ng sariling QR code na maaaring gamitin sa pagpasok sa mga establisyemento.
Paalala ng LGU, ipinagbabawal ang paggamit ng QR code sa ibang tao habang maaari namang magpatulong sa barangay ang mga residente na wala pang QR code.
Bukod sa mga residente, ipinatutupad din QR code para sa mga magtutungo o papasok sa lungsod.
Papatawan naman ng multa mula P2,000 hanggang P5,000 o pagkakansela ng business permit nito ang alinmang establisyemento na bigong makasunod sa nasabing abiso.