IPATUTUPAD nang pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) ang No vaccine, No ride, No entry policy sa buong rail line simula sa Lunes, Enero 17.
Ito ay bilang pagsunod sa department order ng Department of Transportation at upang maprotektahan ang kalusugan ng kanilang mga pasahero.
Ayon sa MRT-3 management, ang mga pasaherong fully vaccinated lang ang papayagang makasakay ng tren matapos makapagprisinta ng kanilang vaccination card at isang valid o government-issued ID sa security marshal sa istasyon.
Masasabing fully vaccinated ang isang pasahero laban sa COVID-19, 2 linggo matapos ang kanilang second dose vaccine o single-dose vaccine.
Ang no vaccination, no ride/no entry sa MRT-3 ay magtatagal hangga’t nasa alert level 3 pataas ang COVID-19 alert level status ng Metro Manila.
Hindi naman kasama sa polisiya ang mga may medical condition at kukuha o bibili ng essential goods.
Nauna naring nag-anunsiyo ang pamunuan ng Light Rail Transit authority (LRT-2) na magpatutupad na rin ng no vaccination, no ride policy.