No walk-in system sa pilot vaccination sa mga menor de edad, isinusulong ng isang mambabatas

No walk-in system sa pilot vaccination sa mga menor de edad, isinusulong ng isang mambabatas

ISINUSULONG ng isang mambabatas ang “no walk-in system” sa gagawing pilot implementation ng pagbabakuna sa mga menor de edad na 12 hanggang 17 taong gulang.

Nakatakda nang simulan ang pagbabakuna sa mga menor de edad laban sa COVID-19 sa darating na Oktubre 15.

At dahil dito, hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang National Task Force (NTF) against COVID-19 na huwag pahintulutan ang “walk-in system” upang maiwasan ang pagdagsa ng tao sa mga vaccination sites.

Una na rin itong ipinanawagan ng senador sa isang pagdinig patungkol sa pilot testing ng limited face-to-face classes.

Sa pilot implementation pediatric vaccination, unang babakunahan ang mga kabataang may comorbidities at ang mga anak ng healthcare workers.

Maliban sa no walk-in system, hinimok rin ng senador ang NTF na huwag payagan ang first-come, first served system.

Napapanahon naman aniya na bakunahan ang mga menor de edad kung saan suportado rin nito ang pagbibigay prayoridad sa mga may comorbidities.

Ayon sa NTF, tinatayang may mahigit 12-M mga kabataan na may edad na 12 hanggang 17 sa buong bansa.

Sa naturang bilang, sinabi ng Department of Health na 10% sa mga ito ay may comorbidities batay na rin sa datos ng global burden of disease.

Matatandaang, walong ospital ang naitalagang vaccination site para sa unang bahagi ng pediatric vaccination mula Oktubre 15-30.

Sa kasalukuyan, may dalawang bakuna kontra COVID-19 ang aprubado ng Philippine Food and Drug Administration. Ito ang Pfizer-Biontech at Moderna COVID-19 vaccine.

SMNI NEWS