NoLCom, namahagi ng saya at tulong sa mga Aeta sa Tarlac

NoLCom, namahagi ng saya at tulong sa mga Aeta sa Tarlac

KASABAY ng pagdiriwang ng National Children’s Month ay nagsagawa ng feeding program at gift giving activity ang Northern Luzon Command (NoLCom) para sa mga katutubong Aeta sa Capas, Tarlac.

Katuwang ang Tarlac Medical Society, Philippine Pediatric Society, at Regional Emergency Assistance Communication Team (REACT) Phils ay ipinagdiwang ng NoLCom ang National Children’s Month kasama ang mga katutubong Aeta sa Tarlac.

 “Simula ngayon ito na yung pagmamahal na binibigay ng pamahalaan para sa ating mga kapatid na katutubo. Kami ay masayang masaya ngayong araw na ito dahil aktuwal naming nakakasama kayo dito,” ayon kay Maj Al Anthony B Pueblas PA – acting Group Commander, 1CRG, CRSAFP.

 Nasa 300 batang katutubong Aeta ang naging benepisyaryo ng feeding program at nakatanggap ng multivitamins at deworming tablets na hatid ng pamahalaan sa kanila.

Masaya rin ang mga bata sa mga palarong inihanda ng kasundaluhan kung saan nagpakitang gilas ang mga ito sa pagkanta at pagsayaw.

“Nakikita po ninyo ang kalagayan ng mga katutubo, sila po ay sabik sa mga tao na dumarating nagbibigay ng regalo. Yung mga binibigay po ng ating mga kasundaluhan o nung mga galing po sa ibang ahensya. Lubos po kaming nagpapasalamat sa tulong na ibinibigay po ninyo sa amin,” ayon naman kay Arturo Garcia – Chieftain, Sitio Ye Young.

 “Isang magandang activity na ito na makatulong sa mga naninirahan dito sa parting kabundukan. Kahit paano po maibsan nang kaunti, mabigyan ng kaunting pagkain saka ibang mga goods na makakatulong sa kanila,” saad naman ni Zuelo Repato – REACT 3.

Ang nasabing aktibidad ay hindi lamang upang maprotektahan ang ating mga kapatid na Aeta kundi upang makipag-ugnayan sa kanila at maipabatid na sila ay hindi nakakalimutan ng pamahalaan.

Follow SMNI NEWS in Twitter