NOLCOM, nanawagan sa mga natitira pang miyembro ng CTGs na sumuko na

NOLCOM, nanawagan sa mga natitira pang miyembro ng CTGs na sumuko na

NANAWAGAN muli si Armed Forces of the Philippine (AFP) LtGen. Fernyl G. Buca, Philippine Air Force (PAF) Commander ng Northern Luzon Command (NOLCOM) sa natitira pang miyembro ng communist terrorist group (CTGs) sa kabundukan na isuko ang kanilang armas at magbalik-loob na sa pamahalaan.

Ito’y matapos ang nangyaring engkuwentro sa pagitan ng armadong grupo at militar kung saan muling nalagasan ng miyembro ang CTGs.

Kaugnay nito, patuloy naman ang ginagawang security operations ng kasundaluhan laban sa mga teroristang New People’s Army (NPA).

Binigyang-diin ni Major Al Anthony Pueblas na wala nang puwang ang CTGs na nangingikil sa buhay ng mga kapatid nating katutubo partikular sa Hilagang Luzon.

 “Wala na silang puwang dito sa ating area ng Northern Luzon Command. And of course, wala na rin po tayong nakikita na mga na-establish na kampo nitong teroristang NPA,” saad ni Maj Al Anthony Pueblas, NOLCOM Spokesperson.

Ani Pueblas, malaki ang tulong ng Executive No. 70 o ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) gayundin ang kooperasyon ng mga kababayang sibilyan.

Samantala, nananawagan naman si Pueblas sa mga miyembro ng armadong grupo na ibaba ang kanilang sugatang kasamahan sa nangyaring engkuwentro upang mabigyang-lunas.

 “Sana po ay magbalik-loob na sila sa ating pamahalaan, alam natin, alam namin Sir Bobby na maraming mga wounded sa kanilang hanay dahil nga doon sa nangyaring encounters, and of course, we are calling them na sana po ay ibaba na nila ‘yung kanilang mga kasamahan na sugatan sa nangyaring encounter, ‘wag po sana nila na iwanan na lang na walang buhay na nakabulagta na lang doon sa parte ng kagubatan kung saan nangyari na ‘yung encounters, ang buhay po ay mahalaga, ang buhay po ay bigay ng ating Poong Maykapal, dapat itong respetuhin,” ayon kay Major Pueblas, NOLCOM Spokesperson.

Dagdag pa nito na bukas ang pamahalaan na tanggapin ang mga nais magbalik-loob na mga rebelde at handa silang tumulong para sa kanilang pagbabagong buhay.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter