Nonito Donaire Jr., muling nag-kampeyon sa mundo ng boxing sa edad na 42

Nonito Donaire Jr., muling nag-kampeyon sa mundo ng boxing sa edad na 42

SA pagbabalik ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire sa boxing ring matapos ang halos dalawang taon, nagtamo siya ng panalo sa pamamagitan ng technical decision matapos ihinto ang laban sa ika-siyam na round dahil sa hiwa sa kanyang kanang mata dulot ng aksidenteng banggaan ng ulo.

Dahil dito, dinala sa scorecards ang desisyon kung saan pabor sa kanya ang hatol ng tatlong hurado: 88-83, 87-84, at 87-84.

Bagama’t hindi ito ang inaasahang pagtatapos, sapat ang ipinakitang galing ni Donaire para muling itanghal bilang kampeon sa edad na 42, sa kabila ng kanyang pagkatalo sa huling dalawang laban — kabilang ang knockout loss sa Japanese pound-for-pound star na si Naoya Inoue noong 2022 at unanimous decision defeat kay Alejandro Santiago ng Mexico noong 2023.

Ang panalong ito ang nag-angat sa record ni Donaire sa 43 panalo (28 knockouts) at 8 talo.

Si Campos naman, na dalawampu’t walong (28) taong gulang, ay bumagsak sa kartadang 17-3-1 na may 6 na knockouts.

Matatandaang gumawa ng kasaysayan si Donaire noong 2021 nang pabagsakin niya si Nordine Oubali sa edad na 38 upang maging pinakamatandang kampeon sa kasaysayan ng bantamweight division.

Hawak na rin niya ang mga dating titulo sa flyweight, super flyweight, bantamweight, at featherweight divisions.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter