NPC, iimbestigahan na ang mga text scams

LUMIKHA ang National Privacy Commission (NPC) ng Inter-agency group upang imbestigahan ang kumakalat na mga text scams.

Marami nanaman kasi ang naglipanang panloloko sa pamamagitan ng text partikular na sa mga investment scheme at pekeng inaalok na trabaho.

Dahil dito, inatasan ng NPC ang Telecommunication Companies (Telcos) tulad ng Globe telecom, Smart Communications at Dito telecommunity na magsumite ng mga dokumento at impormasyon ng kani-kanilang data flows at transaksyon kaugnay sa data aggregators ng mga text scams.

Kasama rin sa iimbestigahan ng NPC ay kung naging responsible ba ang mga Telecommunication company at payment platforms sa mga impormasyon hinggil sa text scams.

Sa ngayon, nagbigay ng kaparehong utos ang NPC sa Union Bank of the Philippines at Globe Fintech na operator ng mobile wallet G-cash.

Ayon sa NPC, ginagamit na payment channel ang mga ito upang makapag-deposit ang kanilang mga biktima.

Maliban sa NPC, kasama rin sa pagiimbestiga ang mga Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission, Department of Justice (DOJ), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Bangko Sentral ng Pilipinas, National Security Council at Anti-money Laundering Council.

SMNI NEWS