TULOY-tuloy ang puspusang pangangampanya ng mga kandidato para sa 2025 midterm elections sa Mayo. Sa gitna ng campaign period na ito, may paalala ang National Privacy Commission (NPC) sa mga kandidato sa halalan—kabilang ang mga partidong politikal, party-list group, at kanilang mga nominee—na maging maingat sa pagkalap ng datos ng botante alinsunod sa Data Privacy Act of 2012.
Ayon kay Atty. Aubin Arn Nieva, Director ng NPC-Data Security & Compliance Office, ang paglilikom ng personal na impormasyon kaugnay ng electoral campaign ay dapat sumusunod sa prinsipyo ng transparency, legitimate purpose, at proportionality.
“Legitimate purpose—para saan ba ’yung kinokolekta nilang personal na datos? Transparency—alam ba ng botante kung saan gagamitin ang datos na iyon? At proportionality—tama lang ba ’yung kinokolekta nilang impormasyon para sa layunin nila?” wika ni Atty. Aubin Arn Nieva, Director, National Privacy Commission – Data Security & Compliance Office.
Idiniin ni Nieva na ang NPC ang data privacy watchdog ng Pilipinas at siyang tumitiyak na mayroong organizational at technical measures ang anumang grupo para maprotektahan ang datos. Dito rin inilalapit ang mga reklamo ukol sa paglabag sa personal data privacy.
Kabilang sa madalas na kinukuhang impormasyon ay pangalan, tirahan, petsa ng kapanganakan, kasarian, at iba pang personal na detalye na maaaring magamit sa maling paraan.
“Puwede itong gamitin sa diskriminasyon, intimidation, blackmail, extortion, identity theft, at fraud. Kahit tapos na ang eleksyon, ’yung nabigay n’yong personal datos ay ginagamit pa rin, kahit hindi na election-related.”
“’Yung iba, kinukuhanan ng ID, pinapalista sila kung saan-saan nang hindi nila alam. ’Yung iba, nakakatanggap ng iba’t ibang text, na-i-scam na sila,” dagdag ni Nieva.
Kaugnay rito, nanawagan ang NPC sa publiko na mag-ingat sa pagbibigay ng kanilang personal na impormasyon, at tiyaking ginagamit ito nang legal at makatarungan.