NSA Secretary Esperon, pinabulaanan ang umano’y red-tagging ng NTF-ELCAC

NSA Secretary Esperon, pinabulaanan ang umano’y red-tagging ng NTF-ELCAC

PINABULAANAN ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon ang umano’y red-tagging ng NTF-ELCAC sa ilang mga personalidad sa bansa.

Aniya’y ginagawa lamang ng ahensya ang tungkulin para sa seguridad ng mamamayang Pilipino.

Muling iginiit ni Esperon na wala silang ginagawang red-tagging sa NTF-ELCAC bagkus ay patuloy lamang sila sa kanilang tungkulin na protektahan ang publiko sa pamamagitan ng pagbubunyag ng relasyon ng mga ito sa CPP-NPA- NDF.

“We are not red-tagging them. We are just informing the public about their relations with the CPP-NPA-NDF. Ang red-tagging na term ay galing iyan sa CPP-NPA-NDF na sasabihin nila, huwag ninyo kaming i-red-tag, parang depensa kaagad nila,” pahayag ni Esperon.

Punto pa nito, galit lamang sila sa NTF-ELCAC at Kay Lt. General Antonio Parlade Jr. dahil ngayon lang naibubunyag ang kanilang relasyon sa CPP-NPA-NDF na sa kanila din naman nanggaling.

“Hindi naman namin sila niri-red-tag, sinasabi lang namin sa public ngayon… kaya sila galit kay General Parlade o sa amin sa NTF-ELCAC, dahil ngayon lang naibubunyag iyong kanilang relations with the CPP-NPA-NDF na sila din naman ang nagsasabi kung ano iyong  kanilang relasyon doon,” ani Esperon.

Binigyang-diin ng kalihim na ang red-tagging ay hindi nagmula sa NTF-ELCAC kundi sa mismong lider ng CPP-NPA-NDF na si Jose Maria Sison.

“So iyon ang red-tagging. Sino ang nagri-red tag sa kanila? Ang red-tagging ay nanggagaling din sa kanila, kay Joma Sison at saka sila din mismo,” dagdag ni Esperon/

Aniya, democratic revolution ang tawag nila pero ito ay walang iba kung hindi ang armed struggle na naglalayong ibagsak ang gobyerno.

Ibinahagi rin nito na noong Abril 24, 2021 ay lumabas si Joma Sison upang batiin ang kanyang mga kaalyado sa National Democratic Front at doon ay kanyang ibinunyag kung sino ang mga ito.

Ito ay ang Alliance of Concerned Teachers, LFS, Kabataan, KMU, Pambansang Katipunan ng Magsasaka, at iba pa.

Dagdag ni Secretary Esperon, 18 na grupo sa bansa ay mga underground organizations ng CPP-NPA-NDF kabilang na ang Kabataang Makabayan na siya namang humahawak o nagdidikta sa ibang miyembro ng Anakbayan, LFS, at Kabataan.

Kabilang din ang Pambansang Katipunan ng Magsasaka, Kapisanan ng Gurong Makabayan (KAGUMA), Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) kasama ang Gabriela.

Samantala, nagpapasalamat naman ang kalihim sa lahat ng  sumusuporta na huwag i-defund ang NTF-ELCAC at sa halip ay i-defend.

Dahil aniya kailangan ng pondo para sa pagsasagawa ng mga development project kagaya ng kalsada, eskwelahan, waterworks, health station at livelihood sa mga geographically isolated at depressed areas lalo na kung nagkaroon ng conflict dito.

Sa pamamagitan ng mga nasabing proyekto ay mababawasan ang insurgency na ginagawa ng CPP-NPA-NDF.

Kung maalala, plano ng ilang mga senador na i-defund ang NTF-ELCAC dahil sa umano’y red-tagging at mas lumala pa ito ng tawagin ni Parlade na estupido ang mga senador.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.