NSC, hindi magdedeklara ng ceasefire laban sa CTGs ngayong Kapaskuhan

NSC, hindi magdedeklara ng ceasefire laban sa CTGs ngayong Kapaskuhan

NILINAW ng pamahalaan na walang mangyayaring ceasefire kahit pa sa gitna ng pagdiriwang ng Kapaskuhan laban sa mga miyembro ng communist terrorist groups (CTGs) na CPP-NPA-NDF.

“No, no, no, I don’t recommend SOMO, I don’t recommend any ceasefire,” pahayag ni Sec. Eduardo Año, NSC.

Ito ang naging pagayag ni National Security Council (NSC) Secretary Eduardo Año sa tanong kung ititigil ba ang military operation o magkakaroon ng ceasefire laban sa teroristang grupong CPP-NPA-NDF.

Ani Año, kabisado na nito ang ginagawa ng mga NPA sa tuwing nagkakaroon ng ceasefire, bagay na wala itong tiwala sa nasabing komunistang teroristang grupo.

“Why do you have to recommend that eh, alam naman natin ‘yung ginagawa ng CPP-NPA ano, particularly NPA, puro mga violent activities,” pahayag ni Sec. Eduardo Año, NSC.

Dagdag pa ng kalihim, hindi dapat na maantala ang hinahabol ng mga militar na masawata na nang tuluyan ang problema ng insurhensiya sa bansa sa lalong madaling panahon.

“Mayroon tayong objective na hinahabol, ‘yung Armed Forces especially. So, let’s give the AFP the chance to and the opportunity to accomplish their objective,” dagdag ni Sec. Año.

Matatandaang, hindi lang ngayong taon at sa kasalukuyang administrasyon ipinatupad ang no ceasefire sa mga miyembro ng CPP-NPA-NDF kundi hindi rin ito nakalusot noong panahon ng Duterte administration bunga ng masidhi nitong kampanya kontra insurhensiya sa bansa.

Batay sa pinakahuling datos ng AFP, kinumpirma mismo ni AFP chief of staff General Romeo Brawner, Jr. na mahinang-mahina ang mga kalaban ng estado at sa kaunting panahon na lang ay magagapi na ito.

Follow SMNI NEWS on Twitter