MAIGING makipag-ugnayan muna sa pamahalaan ang mga grupong nagbabalak na magsagawa ng Christmas resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Ito ang naging mahigpit na payo ni National Security Council (NSC) Assistant Director General (ADG) Jonathan Malaya sa ginanap na Bagong Pilipinas Ngayon public briefing nitong Lunes.
Ani Malaya, sensitibo ang usaping ito lalo’t hindi alam ng gobyerno kung papaano ang magiging reaksiyon ng Tsina sa paparating na resupply mission bunsod ng mga nangyayari.
Paliwanag pa ni Malaya, ang mga ginagawang resupply missions ng pamahalaan ay ‘coordinated’ sa Philippine Coast Guard (PCG) at sa Armed Forces of the Philippines (AFP)
Idinagdag pa ni Malaya na bagama’t naiintindihan nito ang gustong mangyari ng ilang grupo na tumulong sa resupply mission, ay nakikiusap siya na makipag-ugnayan muna ang mga ito sa National Task Force for the West Philippine Sea, na pinamumunuan ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año.
“Siguro makipag-ugnayan muna ang grupong ito sa National Task Force for the West Philippine Sea dahil ito pong mga ginagawa nating resupply missions are coordinated with the Philippine Coast Guard at iyong sa ating mga chartered supply boats na pinag-uusapan together with the Western Command of the Armed Forces of the Philippines,” ayon kay Jonathan Malaya, ADG, National Security Council.
Nag-ugat ang pahayag matapos ang plano ng ilang grupo na magsagawa ng supply mission sa BRP Sierra Madre sa Disyembre.
Naniniwala ang mga grupong ito na dahil pagmamay-ari ng Pilipinas ang lugar ay malaya ang sinumang makapunta sa naturang lugar.
Pilipinas, hindi naghahanap ng tensiyon sa gitna ng ipinatanggal na boya sa Bajo de Masinloc— NSC
Samantala, muli namang iginiit ng pamahalaan na hindi nakikipag-away at hindi naghahanap ng tensiyon ang Pilipinas kaugnay ng pinakahuling kaganapan sa pinag-aagawang teritoryo.
Gayunpaman, ani Malaya, ipaglalaban ng Philippine government kung ano ang para sa bansa.
“Kumbaga, we are going to push back into what is necessary to protect the interest of the Philippines. Alam naman po siguro ng ating mga kababayan kung ano ang tunay na nangyari,” ani Malaya.
Una nang iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na hindi naghahanap ang Pilipinas ng gulo sa China nang ipatanggal ang
floating barrier o boya na inilagay ng Tsina sa Bajo de Masinloc.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na patuloy na didepensahan at poprotektahan ng gobyerno ang teritoryo ng bansa, gayundin ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea.
“Hindi tayo naghahanap ng gulo, basta gagawin natin, patuloy nating ipagtatanggol ang Pilipinas, ang maritime territory ng Pilipinas, ang mga karapatan ng mga fishermen natin na mangisda doon sa mga areas kung saan sila nangigisda daang-daang taon na,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Katunayan, sinabi ng Pangulo, nang alisin ang mga boya, nasa 164 tonelada ng isda ang nahuli sa loob lamang ng isang araw.
Sa huli, iginiit pa rin ni Pangulong Marcos na umiiwas ang Pilipinas sa gulo at sa mga maiinit na salita.
Ngunit matibay aniya ang pagdepensa ng pamahalaan sa teritoryo ng Pilipinas.