DUMULOG sa Court of Appeals (CA) ang mga abogado ng Sonshine Media Network International (SMNI) para hilingin ang pagpapahinto ng suspension order ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa network.
Disyembre 21 nang suspendihin ng NTC ang operasyon ng SMNI sa radyo at telebisyon.
Ito’y pagkaraang ipasa ng Kamara ang resolusyon na naghihimok sa NTC na suspendihin ang network dahil umano sa mga paglabag.
Bagay na para sa SMNI ay hindi katanggap-tanggap lalo pa’t hindi nabigyan ng pagkakataon ang network na makapagpaliwanag at sumagot sa show cause order ng NTC bago ang pagpapataw ng suspension.
Matatandaan, na kasunod ng pag-iisyu ng NTC ng show cause order para sa network ay nagpalabas agad ito ng suspension order na immediately executory.
Lumalabas na bago pa ang pagdinig ng NTC sa mga alegasyon ay nagpalabas na agad ito ng kaparusahan sa network.
Kaya naman Huwebes ng umaga, dumulog na ang SMNI sa pamamagitan ng mga abogado nito na sina Atty. Mark Tolentino at Atty. Rolex Suplico sa CA para ireklamo ang NTC.
Pagpapalabas ng TRO sa suspension order ng NTC vs SMNI hiniling sa Court of Appeals
Naghain ang network ng certiorari at mandamus na may kalakip na apela na magpalabas ang CA ng Temporary Restraining Order (TRO) o Preliminary Injunction at Injunction para sa pagpapatigil ng implementasyon ng suspension order.
Ayon sa mga abogado, maling-mali ang ginawang pagtalima ng NTC sa resolusyon ng Kamara gayong hindi rito mandato na sumunod sa dikta ng lehislatura.
Hirit pa ng kampo na kung may nilabag man ang ilang programa ng SMNI ay hindi dapat madamay dito ang buong network.
Ang ginawa umano ng NTC ay maaring magdulot ng chilling effect sa mga iba pang mamahayag sa bansa.