NTC, pinahihigpitan ang blocktime arrangements at mergers sa radyo at telebisyon

NTC, pinahihigpitan ang blocktime arrangements at mergers sa radyo at telebisyon

PINAHIHIGPITAN na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang blocktime arrangements at mergers sa radyo o telebisyon.

Sa isang memo ng NTC na may petsang Hunyo 23, hanggang 50% daily airtime lang ang maaaring ibenta ng isang radio o telebisyon para sa blocktimers.

May hiwalay rin ito na memo kung saan ang anumang entity na may broadcast license ay hindi maaaring magkaroon ng transaksyon sa isang entity na may obligasyon pang kinakaharap sa pamahalaan.

Dapat anila na suriin ng mga may broadcast license kung ang nais makipag-transaksyon sa kanila o tinatawag na mergers ay may clearance mula sa Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs, Securities and Exchange Commission at mismong NTC.

Kung matatandaan, ang Kapamilya Network na ABS-CBN ay pumasok sa isang blocktime agreements sa pagitan ng ZOE Broadcasting Network at TV5 para muling maipakita ang kanilang mga programa sa telebisyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter