HINANGAAN ng National Task Force COVID-19 Coordinated Operation to Defeat Epidemic o NTF CODE Team ang pagpupursige ng ilang local government units sa NCR upang masigurong handa ang mga ito para sa nalalapit na nationwide COVID-19 vaccination program.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ay naglaan ang kanilang lokal na pamahalaan ng P 150 million pesos na pondo para makabili ng AstraZeneca COVID-19 na kukunin mula sa Disaster Risk Reduction and Management DRRM fund.
Ani Gatchalian ay sapat ang naturang pondo upang makabili ng 640,000 dosis ng AstraZeneca vaccines para sa 320,000 katao at mabakunahan ang 71% ng adult population sa ilalim ng kanilang VCVax program.
Nakapagtayo na rin ang Valenzuela City ng 17 vaccination centers na may nakalaang 76 vaccination teams na kayang magbakuna ng 3,080 katao sa isang araw sa oras na magkaroon na ng steady na suplay ng COVID-19 vaccines.
Prayoridad na mabakunahan ng syudad ang kanilang frontline health workers, uniformed personnel at indigent senior citizens.
Ipinagmalaki rin ng alkalde na sila ang pinakaunang LGU sa bansa na nakagawa ng kanilang sariling QR Code system na kanila din ibinahagi sa ibang LGUs kabilang na dito ang kanilang contact tracing app na kung tawagin ay ValTrace.
Handa na rin ang cold storage facility at ang kanilang emergency backup plan sakaling makaranas ng adverse effects ang ilan sa mga magpapabakuna.
Ani Gatchalian, simula January 26 ay umabot na sa mahigit 12,000 residente ang nagparehistro para sa vaccination program
Ipinahayag din ng alkalde na nakaapekto ang Dengvaxia issue sa pag-aalinlangan ng mga residente na magpabakuna kung kaya’t nais nitong pagtuunan ng pansin ang mga pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa COVID-19 vaccines.
Hinangaan naman ni Health Sec.Francisco Duque ang pagpupursige ng Valenzuela City upang masigurong maayos ang ilulunsad na COVID-19 vaccination rollout.
Para naman kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro, pinasimple nito sa tatlong proseso ang COVID-19 rollout plan sa kanyang lungsod na kinabibilangan ng registration and screening, vaccination at
Nakahanda na rin ang Cold Chain Storage facility para sa kanilang bibilhing Astrazeneca Vaccines, healthcare facility at P5-6 million na indemnification fund sakaling makaranas ng adverse effects ang mga magpapabakuna.
Pinuri naman ni Deputy Chief Implementer Sec. Vince Dizon kung paano napasimple ng lungsod ng Marikina ang kumplikadong proseso ng COVID-19 vaccination rollout.
Paulit-ulit naman na paalala ng NTF CODE Team na hindi nila layuning punahin kundi suriin ang kahandaan ng mga LGs para sa nalalapit na nationwide COVID-19 vaccine rollout at kung paano mas makakatulong ang national government pagdating sa napakahalagang aspetong ito.