HINDI ibabasura ng kasalukuyang administrasyon ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ang inihayag ni Dr. Rommel Banlaoi, Deputy National Security Adviser (NSA) designate sa isang forum sa Quezon City ngayong araw ukol sa NTF-ELCAC.
Sinabi pa ni Dr. Banlaoi, hindi totoo ang mga kumakalat na balita sa social media na bubuwagin na ang NTF-ELCAC.
Sa katunayan, ay mas lalo pa nilang palalakasin ang naturang task force dahil sa maraming mga katagumpayan nito sa nakalipas na administrasyon.
Mas lalo pa aniya nila itong ilalapit sa mga nangangilangan lalo na sa mga vulnerable sector.
Noong 2018 nang itinatag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang NTF-ELCAC sa pamamagitan ng Executive Order No. 70.
Sa ilalim nito, ang konseptong whole-of-nation approach sa pagtugon sa ugat ng insurhensiya sa bansa para makamit ang pangmatagalang kapayapaan.
At dahil sa tagumpay na dala ng NTF-ELCAC, kung saan marami ang nahimok na magbalik-loob sa gobyerno, maraming komunidad ang gumanda ang buhay dahilan para hindi na sila malinlang ng CPP-NPA-NDF ay nagpanukala ng batas si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na mag-i-institutionalized sa ELCAC.
Layon ng panukala ni Dela Rosa na maisabatas ang NTF-ELCAC para maging tuloy-tuloy ang programa nito sa kabila ng pagbabago o pagpapalit ng administrasyon sa gobyerno.
Bukod dito, mabibigyan na rin ng pondo ang ELCAC mula sa taunang national budget ng gobyerno dahil ngayon ay umaasa lang ito sa pondong mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na bumubuo rito.
Kaisa naman si Dr. Banlaoi sa apela ng mga magulang sa gobyerno na bantayan ang kanilang mga anak na nag-aaral sa mga kolehiyo at unibersidad na maging ligtas sila mula sa mga recruitment ng tinaguriang teroristang komunistang grupo.
Samantala, pinasinungalingan naman ni Dr. Banlaoi ang akusasyon na tinanggal ng NTF-ELCAC si dating spokesperson nito na si former Usec. Lorraine Badoy.
Aniya na si Badoy ay hindi opisyal ng PCOO na kabilang sa mahahagip sa Memorandum No. 1 na inilabas ni Pangulong Bongbong Marcos na dinideklarang bakante ang lahat ng mga posisyon ng mga inappoint noon ni Pangulong Duterte.
Kahapon ay nakipagpulong si NSA Secretary Clarita Carlos sa Secretariat ng NTF-ELCAC kung saan napag-usapan ang kasalukuyang programa nila at ang mga estratehiya na gagawin pa para lubusang makamit ang katagumpayan ng kanilang mga programa.