NTF-ELCAC, kinondena ang pagtanggi ng CTGs sa alok ng amnesty ng gobyerno

NTF-ELCAC, kinondena ang pagtanggi ng CTGs sa alok ng amnesty ng gobyerno

KINONDENA ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) dahil sa tahasan nitong pagtanggi sa alok na amnestiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kaniyang SONA noong Hulyo 24, 2023.

Ito ang inihayag ni NTF-ELCAC executive director Undersecretary Ernesto Torres, Jr. base sa inilabas nitong press statement.

Aniya, ang alok ng amnestiya ay isang taos-puso at marangal na kilos ng administrasyong Marcos na naglalayong makamit ang pangmatagalang peace and reconciliation.

Magbibigay ito ng pagkakataon para sa mga nasangkot sa walang kabuluhang armadong labanan sa nakalipas na limang dekada, na isuko ang kanilang mga armas, talikuran ang karahasan, at bumalik sa mainstream ng lipunan at mag-ambag para sa nation-building.

Pero sa halip na kunin ang pagkakataong ito na makamit ang isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, ani Torres, ang CPP-NPA-NDF ay paulit-ulit na piniling talikuran ang landas tungo sa kapayapaan at magpatuloy sa kanilang destructive at divisive armed atrocities.

Ang kanilang pagtanggi na tanggapin ang alok ng amnestiya ay nagpapakita lamang ng kanilang kawalang-katapatan sa paghahangad ng kapayapaan.

Nagpapakita rin ito ng kanilang dedikasyon sa pagpapatuloy ng isang luma, marahas, at madugong ideolohiya.

Malinaw na indikasyon din ang tahasang pagtanggi ng CPP-NPA-NDF sa amnestiya, ng kanilang tunay na intensiyon, na hindi naaayon sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Patuloy rin silang naghahasik ng hindi pagkakasundo, sinisira ang pagsisikap ng pambansang pagkakaisa, at ginulo ang progreso at pag-unlad ng bansa.

Samantala, patuloy na iginigiit ng NTF-ELCAC ang hindi natitinag na pangako nito na inclusive peace at sustainable development bilang pangunahing paraan upang matugunan ang mga ugat ng armed conflict.

Ang NTF-ELCAC, kasama ang 12 National Clusters at 17 Joint Regional Task Forces at Local Task Forces sa buong bansa, ay naninindigan sa dedikasyon nito sa pagpuksa sa mga ugat ng armed conflict at pagbuo ng isang bansa kung saan ang lahat ng Pilipino ay maaaring mamuhay sa kapayapaan, kaunlaran, at pagkakaisa.

Hinikayat naman ng NTF-ELCAC ang lahat na sama-samang kundenahin ang armadong karahasan at yakapin ang diwa ng pagkakaisa, inclusive peace, at sustainable development.

Follow SMNI NEWS on Twitter