NTF kukumbinsihin si Mayor Magalong na huwag magbitiw sa pagiging tracing czar

KAKAUSAPIN ng National Task Force against COVID-19 si Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaugnay ng inihaing resignation nito bilang contact tracing czar ng pamahalaan para sa COVID-19 response.

Ang naturang hakbang ay gagawin sa pangunguna nina NTF Chief Implementer Carlito Galvez Jr. at Deputy Chief Implementer Vince Dizon.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Vaccine Czar Galvez na hindi kapalit-palit ang isang opisyal na aniya’y matiyagang nagtatrabaho para sa kapakanan ng mamamayan.

“Kakausapin namin si Mayor Magalong. Para sa amin ni Sec. Vince, he is irreplaceable,” pahayag ni Galvez.

Sinabi naman ni Testing czar vince Dizon na hindi matatawaran ang serbisyong hatid ni Magalong pagdating sa pagresponde sa nararanasang pandemya.

Hinangaan din ni Dizon ang pagiging mapagkumbaba ng alkalde at pagtanggap ng pagkakamali.

“Talagang penulitumate public servant po siya, very humble, tinanggap po niya ang kanyang pagkakamali,” ayon kay Dizon.

Kaugnay nito, pakikiusapan nina Dizon at Galvez si Magalong na manatili sa katungkulan niya bilang contact tracing czar.

“Kakausapin po namin siyang ‘wag niya kami iiwan sa National Task Force, kailangan po siya ng ating mga kababayan,” ayon kay Dizon.

Una rito, aminado si Mayor Benjamin Magalong na kahit pa ‘irrecovable’ ang kanyang pagbibitiw bilang tracing czar, ay mahihirapan siyang tumanggi kapag mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang mag-uutos na manatili siya sa posisyon.

Una na ring kinumpirma ng alkalde na makikipagkita siya kay Galvez at Dizon para pag-usapan ang naturang isyu.

Kung maalala, nagbitiw si Magalong makaraan ang kontrobersiya sa nangyaring party sa Baguio City na kanyang dinaluhan kung saan umani ng batikos dahil sa umano’y bigong pagsunod sa health at safety protocols ng ilang indibidwal.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.