NTF, tiwala na makakamit ang 600K COVID-19 vaccine jabs kada araw

NTF, tiwala na makakamit ang 600K COVID-19 vaccine jabs kada araw

LUBOS na ikinatuwa ni National Task Force (NTF) Against COVID 19 Deputy Chief Implementer at testing czar Vince Dizon ang magandang balita pagdating sa dami ng nabakunahan na laban sa COVID-19.

Nitong Martes, Hulyo 27, nakapagtala ang bansa ng 659,000 katao na nabakunahan sa isang araw, sa kauna-unahang pagkakataon.

“For the first time po nalampasan natin ang target natin na 500,000 sa isang araw,” ayon kay Dizon.

Iniulat din ni Dizon na nasa mahigit 18 milyong doses na ang naiturok na COVID-19 vaccines sa bansa.

Nasa 11 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng first dose at halos 7 milyon na ang fully vaccinated.

Kaya naman, malaki ang pasasalamat ni Dizon sa lahat ng mga local government units (LGUs), provincial governments at mga regional office ng Department of Health (DOH) dahil sa team effort kung saan lahat nagsama-sama para maabot at malampasan pa ang target na 500,000 coronavirus shots sa isang araw.

Napakalaking kontribusyon din aniya sa  pagtataas ng jab rate ang effort ng health care workers at frontliners na walang tigil sa trabaho at tuloy-tuloy sa pagbabakuna.

Kaugnay nito, kumpyansa naman ang NTF deputy chief implementer na mai-maintain ang 600,000 jabs para maging average daily administered doses.

“Nakita po natin na kung sa kaya, kaya po. Ang kailangang lang po talaga natin ay tuluy-tuloy na supply at maraming supply. In fact, kung tuluy-tuloy po at dumami pa ang ating supply kada buwan, eh kaya pa nating lampas an,” ani Dizon.

Sa gitna ng pagtaas ng bilang na ito ng nabakunahan sa isang araw, malaking tulong din aniya ang tila pagtaas na ng vaccine confidence ng publiko.

“Alam natin sa mga nakaraang survey, napakalaki na, halos dumoble mahigit ang kumpiyansa ng ating mga kababayan sa bakuna. Dahil na rin iyan sa—kasama din diyan siyempre ang konting takot dahil sa Delta variant,” dagdag ni Dizon.

Kaya laking tuwa ni Dizon dahan-dahan nang naniniwala ang karamihan na kailangan nilang magpabakuna hindi lamang para protektahan ang sarili kundi upang protektahan din ang kanilang mahal sa buhay.

Muli namang ipinaalala ni Dizon ang kahalagahan na mapabilis ang pagbabakuna lalo na sa mga area na mataas ang risk sa mas delikado at mas nakahahawang Delta variant.

Ilang lungsod sa Metro Manila, bahagyang tumaas ang kaso ng COVID-19

Batay naman sa pinakahuling report ng Philippine Genome Center, sinabi ni Dr. Manuel Mapue II mula sa Regional Epidemiology & Surveillance Unit ng DOH-NCR, na 25 na ang sinasabing locally transmitted na Delta variant sa Metro Manila, kasama na rito iyong mga naunang naitala:

Locally transmitted na Delta variant sa Metro Manila:

Las Piñas City   – 1

Makati City      – 1

Malabon City    – 1

Maynila City   – 10

Parañaque City – 1

Pasig City        – 7

Quezon City     – 1

San Juan City   – 2

Taguig City       – 1

Mula sa 25 na locally transmitted na Delta variant sa NCR, walo na ang gumaling, isa ang namatay at 16 ang kasalukuyang active ang kanilang sakit.

Inihayag pa ni Dr. Mapue,  napakaimportante pa rin upang makontrol ang nag-uumpisang pagtaas ng mga kaso sa ilang lugar ay ang mahigpit na pag-i-implementa ng mga health protocol lalo na pagdating sa quarantine.

“And then kailangan pa rin po talagang paigtingin  iyong pag-i-implement lalung-lalo na po iyong tinatawag na PDITR and then iyong ating contact tracing hanggang third generation. Kasi po, may nakikita rin kami na mga infection na nangyayari sa mga second generation contacts po,” ayon kay Mapue.

Batay sa tala ng DOH base sa average daily attack rate o iyong tinatawag na ADAR sa National Capital Region, ang Lungsod ng Las Piñas, Makati, Pasay at San Juan city ay nakikitaan na ng bahagyang pagbilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

BASAHIN: Pangulong Duterte, lalabas sa isang bagong infomercial ng COVID-19 vaccine

SMNI NEWS