Nuclear energy, napapanahon para ibsan ang mahal na kuryente sa Pilipinas—Tolentino

Nuclear energy, napapanahon para ibsan ang mahal na kuryente sa Pilipinas—Tolentino

CEBU City – Dapat nang yakapin ng bansa ang nuclear energy para ibsan ang matagal nang problema sa mahal na kuryente, na nagpapataas sa gastos sa produksyon at presyo.

Ito ang binigyang-diin ni Reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino sa isang panayam sa lokal na himpilan ng radyo sa Cebu City.

“Matagal at lubhang mahal magtayo ng mga tradisyunal na planta. Ito ang dahilan kaya suportado ko ang development ng nuclear energy bilang alternatibo at mas murang pagkukunan ng elektrisidad,” aniya

Si Tolentino ang punong may-akda ng Philippine Nuclear Regulation Act (Senate Bill No. 1194), na magtataguyod ng komprehensibong framework para palawigin ang paggamit ng nuclear energy sa bansa.

“Marami tayong island provinces kung saan mahal at kapos ang serbisyo ng kuryente. Pero may mga pag-aaral na magiging epektibo ang micro modular nuclear power plants para maghatid ng elektrisidad sa mga liblib at off-grid areas tulad nito. Kung kaya mahalagang magpasa ng national nuclear framework ang Kongreso,” diin ni TOL.

Bukod sa nuclear power, isinusulong din ni Tolentino ang pag-alis sa 12 porsyentong value-added tax (VAT) sa elektrisidad sa pamamagitan ng SBN 2970, na kanya ring iniakda.

“Pag tinanggal ang VAT sa kuryente, direktang makikinabang ang industrial, commercial, at residential users. Lalakas ang purchasing power ng consumers, na tutungo sa mas masiglang pagkonsumo at paggalaw ng ekonomiya,” paliwanag nya.

Para naman sa pangmatagalang pangangailangan sa enerhiya ng Pilipinas, mahalaga aniya ang papel nang kakakapasang Philippine Maritime Zones Act (Republic Act 12064).

“Sa pag-gigiit natin ng ating karapatan sa ating maritime zones, kabilang ang West Philippine Sea at Talampas ng Pilipinas, masisiguro rin natin na ang lahat ng rekurso na nakadeposito rito, gaya ng petrolyo, natural gas, at mga mineral, ay malaya ring malilinang at magagamit ng ating bansa,” ayon sa senador.

“Sisiguruhin nito ang pangangailangan ng ating ekonomiya sa hinaharap, gayundin ng mga susunod na henerasyon,” pagdidiin ng principal author at sponsor ng makasaysayang batas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter