WALONG araw nang walang patid and pagdaloy ng lava mula sa Bulkang Mayon, senyales na nananatiling abnormal ang aktibidad ng bulkan.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa nakalipas na 24 oras, walang naitalang volcanic earthquake ngunit nakapagtala ito ng nasa mahigit 200 rockfall event.
Sa kabila ng abnormal na aktibidad ng bulkan, wala pang nakikitang indikasyon ang PHIVOLCS para itaas sa Alert Level 4 ang Bulkang Mayon.
Kaugnay nito aminado ang Office of Civil Defense (OCD) na magiging mahirap ang sitwasyon sakaling itaas pa sa Alert Level 4 ang estado ng bulkan.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Usec. Ariel Nepomuceno, administrator ng Office of Civil Defense (OCD) na sa panahong itaas sa Alert Level 4 o higit pa ang Bulkang Mayon dodoble aniya ang bilang ng mga evacuees.
Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 3 pa ang bulkan ngunit pumalo na sa mahigit 5,000 pamilya ang pansamantalang naninirahan sa 22 evacuation centers.
Sinabi pa ng OCD na aabot pa ng 90-araw o tatlong buwan ang kanilang gagawing paghahanda dahil base sa naunang karanasan nang mag-alboroto ang mayon noong taong 2014 at 2018, inabot din ito ng 90-araw bago tuluyang bumalik sa normal ang pamumuhay ng mga apektadong residente.
Ngunit paglilinaw ni Nepomuceno na nakahanda ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang tumulong sakaling lumala ang sitwasyon katunayan aniya na sa mahigit P1.3-B na halaga ng assistance gaya ng tubig, hygiene kits, pagkain at iba pa ang nakapreposisyon na.
Mental health ng mga kabataan na apektado ng pag-alboroto ng Bulkang Mayon, kinukonsidera ng pamahalaan
Samantala, sinabi pa ni Nepomuceno na dahil sa nangyari ay mayroon itong malaking epekto sa mental health ng mga kabataan.
Kaya naman kabilang ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanila na dapat makapagpatuloy sa pag-aaral ang mga kabataan na apektado ng pag-alboroto ng bulkan.
Sa ngayon sinabi ni Nepomuceno na hindi lang ang Bulkang Mayon ang kanilang tinututukan, nariyan aniya ang Mt. Taal at Mt. Kanlaon at iba pang sakuna.
Kaya pinagbubuti na ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang logistical operations ng mga ito lalo na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maging handa sa anumang sakuna.