NANANAWAGAN ang Office of Civil Defense (OCD) sa mga lokal na opisyal ng Bago at La Castellana, Negros Occidental na muling pag-aralan ang kanilang desisyon kaugnay ng pagpayag sa higit 4,000 evacuees na bumalik sa kanilang mga tahanan malapit sa Mt. Kanlaon.
Nagbabala si OCD Undersecretary Ariel Nepomuceno na nananatiling mataas ang panganib ng sitwasyon sa gitna ng pagpapakita ng mga palatandaan ng pagputok ng bulkan.
Binigyang-diin ni Nepomuceno na mas mahalaga ang buhay kaysa mga ari-arian.
Hinihikayat din ng opisyal ang mga residente sa La Castellana, Negros Occidental at Canlaon City na maghanda para sa posibleng pagsabog ng Mt. Kanlaon.
“We must take anticipatory actions to prepare for the worst-case scenario of a more violent eruption,” ayon kay Undersecretary Ariel Nepomuceno, OCD.
Nagbabala siya na pati na ang mga komunidad na nasa labas ng anim na kilometrong danger zone ay dapat ding seryosohin ang banta at magsilikas na dahil maaari aniyang mabilis na lumala ang sitwasyon.
“I appeal to all residents, even those outside the six-kilometer extended danger zone, to take this situation seriously and evacuate immediately. We want no casualties in the event of an eruption,” saad ni Nepomuceno.
Kaugnay rito, inihayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian na umapela ng tulong sa national government ang ilang lokal na pamahalaan na malapit sa Mt. Kanlaon kaugnay ng posibleng pagputok ng bulkan.
Saad ng kalihim, tuloy-tuloy naman ang kanilang pamimigay ng family food packs upang matugunan ang pangangailangan ng mga pamilya roon.
‘’Pero kausap ko nga si Mayor Alme ng La Castellana kahapon, one of the nearest LGUs doon, sabi niya kailangan na talaga ng tulong ng national government, at hindi tayo bumibitaw–continuous, sustaining,” ani Gatchalian.
Ang Bulkang Kanlaon ay kasalukuyang nasa Alert Level 3. Kung matatandaan, sumabog ito noong Disyembre ng nakaraang taon.
Una nang nagbabala ang
Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga residente tungkol sa posibleng pagsabog muli ng bulkan dahil sa patuloy na pag-aalboroto nito.
‘’On top of what we ready have on the ground ngayon no na around 60,000 family food packs, iri-rev up natin iyan by Wednesday to a hundred thousand family food packs in the whole Island of Negros,’’ saad nito.