SA gitna ng nagpapatuloy na aktibidad ng Bulkang Kanlaon ay umaapela si Civil Defense Administrator Usec. Ariel Nepomuceno sa mga residente na nakatira sa extended 6-kilometer radius permanent danger zone ng naturang bulkan na manatili sa mga evacuation center.
Sa isang pahayag hinikayat ni Nepomuceno ang mga apektadong residente na huwag munang bumalik sa kanilang mga tahanan upang masigurong sila ay ligtas.
“Mga mahal na residente sa loob ng extended 6-KM radius permanent danger zone ng Mt. Kanlaon, mangyari lamang na manatili sa mga evacuation center at huwag munang bumalik sa inyong mga tahanan. Ang inyong kaligtasan ang aming pangunahing layunin,” payo ni Usec Ariel Nepomuceno, Administrator, OCD.
Ang nasabing kautusan ay sa kabila ng nalalapit na Kapaskuhan.
Binigyang-diin naman ni Nepomuceno na mas mahalagang ingatan ang buhay kesa balikan ang mga ari-arian.
“Tandaan, mas mahalaga ang buhay—ang mga ari-arian ay kayang palitan, ngunit ang buhay ay hindi,” ani Nepomuceno.
Nilinaw rin nito sa mga may balak na bumalik sa permanent danger zone na sakaling abutan ng pagsabog ng bulkan ay imposibleng may maliligtas pa sa kanila kaya ibayong kooperasyon ang kanilang hiling.
“Sa oras ng posibleng pagsabog ng Bulkang Kanlaon, walang mangyayaring pagsagip sa mga nasa loob ng permanent danger zone. Kaya’t mahalaga ang inyong pakikipagtulungan,” aniya.
Samantala, base sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) as of 8 AM ng December 20, 2024, nasa mahigit 20 barangay ang apektado ng pag-alburoto ng bulkan, sa nasabing bilang 21 ay mula sa Region 6 habang 5 barangay naman sa Region 7.
Habang umabot naman sa mahigit 10 libong pamilya ang apektado ng naturang insidente.
Pansamantala namang sumisilong sa 32 evacuation centers ang nasa mahigit apat na libong pamilya o katumbas ng nasa mahigit 14 na libong indibidwal.
Siniguro naman ng OCD na nakaantabay ang pamahalaan sa naturang sitwasyon upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong residente.
“Makakaasa kayo na ang lahat ng ahensya ng gobyerno ay nakaagapay upang matugunan ang inyong mga pangangailangan habang kayo ay nasa evacuation center,” aniya pa.
Hinikayat din nito ang mga apektadong residente na sa nalalapit na Kapaskuhan ay mas mainam na ligtas at sama-samang ipagdiwang ang okasyon sa kabila ng panganib na dulot ng bulkan.
“Tiyakin natin na sama-sama tayong magdiriwang ng Pasko na buo at malayo sa panganib ng bulkan,” dagdag nito.