NANINDIGAN ang Office of Civil Defense (OCD) na sumunod ito sa lahat ng obserbasyon at rekomendasyon na ginawa ng Commission on Audit (COA) para sa taong 2021.
Ito ay kasunod ng ulat na diumano’y “na-flag” ng COA ang OCD dahil sa hindi natapos na mga pasilidad para sa COVID-19 noong nakaraang taon at paggamit ng quick response funds.
Ayon kay OCD administrator Undersecretary Ricardo Jalad, ang impormasyong ito ay noon pang Disyembre 2021.
Lahat aniya ng mga kinakailangang impormasyon ay natugunan at nasunod nitong Hunyo 21, 2022.
Sa mahigit 769 milyong pisong pondo para sa isolation facilities ng local government units (LGUs), mahigit 605 milyong piso o 79 percent ang “fully utilized” o “fully obligated” at mahigit 164 milyong piso o 21% ang ibinalik sa National Treasury.
Sa paggamit naman ng quick response funds, ang pondo ay “demand driven,” tumaas ang paggamit nito sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 at bumaba rin sa pagbaba ng naitalagang kaso.
Tiniyak ni Jalad na sa panahon ng pandemya ay wasto ang paggasta nila sa pondo at lahat ng rekomendasyon ng COA ay tinanggap, sinuri, tinugunan at sinunod.
BASAHIN: Duterte, binisita at inabutan ng tulong ang mga apektado ng Bagyong Agaton