HINDI bababa sa 116 sa mga tauhan ng Office of Civil Defense (OCD) ang nag-positibo sa RT-PCR COVID-19 test.
Ito ang kinumpirma kagabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal.
Ayon kay Timbal, ang nagka-COVID ay myembro ng skeletal workforce mula sa kabuuang 380 empleyado ng OCD Central Office.
Sinabi ni Timbal na regular silang nagsasagawa ng antigen test sa kanilang skeletal workforce.
Noong Martes, Agosto 24, dalawa ang nagpositibo.
Dahil sa pangyayari ay muling isinalang sa RT-PCR test ang 114 na tauhan ng kanilang skeletal workforce, pati na rin ang 104 na off-duty personnel.
Hanggang kagabi ay hinihintay pa ang resulta para sa 85 mula sa 214 na nagpa-test.
Ayon kay Timbal, 80 porsyento sa 116 na nag-positibo sa COVID-19 ang asymptomatic at dinala agad sa quarantine facility.
“Ang maganda dito kasi bakunado na lahat. Puro assymptomatic. Yung ibang nagpositive, wala kaming na encounter na nahirapang huminga,” pahayag ni Timbal.
Dahil dito, sinabi ni Timbal na pansamantalang isasara ang OCD Central Office hanggang Agosto 30 para sa disinfection.
Sa kabila ng pagsasara tuloy ang serbisyo ng OCD sa pamamagitan ng kanilang mga online channels at mga empleyado na naka-work from home.
Hanggang ngayong umaga Agosto 27, sinabi na din ng OCD na nagpositibo na rin ang kanilang administrator na si Ricardo Jalad.