TUMAAS ang bilang ng mga pasyenteng Overseas Filipino Workers (OFW) at serbisyong medikal na ibinigay ng OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga ngayong unang bahagi ng 2025.
Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW), pinaghahandaan na rin ang malalaking pagpapalawak ng serbisyo at pasilidad sa ospital.
Ayon sa ulat ng OFW Hospital hanggang Marso 31, 2025, nakapagtala ito ng 92% na pagtaas ng bilang ng mga na-admit na pasyente—mula 109 noong unang kwarter ng 2024, kumpara sa 209 ngayong taon.
Sa parehong panahon, umakyat din ang bilang ng outpatient o pasyenteng dumaan para sa konsultasyon at ibang serbisyo—mula 10,143 tungo sa 12,097, katumbas ng 19% na pagtaas.
Bukod sa outpatient at inpatient services, malaki rin ang itinaas ng paggamit sa mga pangunahing serbisyo gaya ng 24/7 emergency room, telemedicine, minor at major operations, obstetrics-gynecology, radiology, laboratory, respiratory, at heart station. Ang Integrated Medical Repatriation and Assistance Program (IMRAP) ng ospital ay patuloy ring tumutulong sa mga OFW na nangangailangan ng inpatient care at family health counseling.
Sa aspeto ng mga isinagawang medikal na pamamaraan, tumaas ng 30% ang bilang ng procedures sa radiology at laboratory, 34% sa heart station, at 10% sa respiratory services. Ipinagmamalaki rin ng ospital ang 100% budget utilization para sa mga bayad na serbisyo mula 2024 hanggang 2025.
Para sa natitirang bahagi ng taong 2025, target ng OFW Hospital na makamit ang DOH-LTO Level 2 licensing na magbibigay-daan sa mas kumpletong pasilidad gaya ng intensive care units, mas malawak na outpatient services, at karagdagang specialty clinics.
Nakatakda ring simulan ang konstruksyon ng bagong Cancer Center Building, pati na ang pagpapalawak ng heart station, respiratory, at radiology sections.
Layunin din ng ospital na kilalanin ito bilang opisyal na Medical Facility for Overseas Workers and Seafarers o MFOWS at maging accredited provider ng Pre-Employment Medical Examination.