OFW na ginilitan ng leeg ng kanyang amo sa Saudi Arabia, nakauwi na sa bansa

OFW na ginilitan ng leeg ng kanyang amo sa Saudi Arabia, nakauwi na sa bansa

BAGO mag alas-dos ng hapon ngayong araw nang lumapag ang eroplano ng Philippine Airlines Flight PR 863 sa NAIA Terminal 1 kung saan sakay ang overseas Filipino worker (OFW) na ginilitan ng leeg ng kanyang amo sa Saudi Arabia.

Magkahalong saya at lungkot ang nadarama ni Jinky nang umuwi na ito sa bansa mula Saudi Arabia.

Sa panayam kay Jinky, nagpapasalamat ito sa tulong ng gobyerno ng Pilipinas para makauwi na ito sa bansa.

Kuwento ni Jinky nagsimula ang insidente nang magkasagutan sila ng magulang ng kanyang amo.

Bukod sa pitong buwan nang hindi binabayaran ang kanyang suweldo ay madalas sinasaktan ito ng nanay ng kanyang amo.

Hulyo 17 ng gabi nauwi sa pagtatalo ang OFW at ang matandang amo dahil sa hindi na matiis ng Pinay worker ang pagmamaltrato nito.

Dahil sa duguan na si Jinky agad ito tumakbo sa kanyang kuwarto at nagtago.

Habang nasa loob ito ng kwarto, tumawag na ito sa 911 para magpasaklolo.

Kinuhaan na rin ng video ang kanyang sarili na duguan para patunayan sa mga otoridad  ang nangyari.

Kahit katok nang katok ang kanyang amo ay hindi niya ito pinagbubuksan hangga’t hindi pa dumarating ang mga pulis.

Sa loob ng 30 minuto matapos ang insidente dumating na ang pulis at kinuha si Jinky.

Hinangaan naman ni Deputy Administrator Arnel Ignacio ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) ang katapangan at tamang desisyon ni Jinky para malayo sa panganib ang buhay nito.

Plano kasi ng kanyang amo ay ibaliktad ang senaryo.

Tiniyak din ni Ignacio na patuloy nilang ipaglalaban ang kaso at makuha ang 7 buwan na suweldo ni Jinky sa kanyang dating employer.

Bukod pa dito makatatanggap din ng karampatang tulong mula sa OWWA si Jinky.

Sa ngayon dahil kulang sa bakuna si Jinky ay sasailalim muna ito sa 5 araw na quarantine bago muling makapiling ng kanyang pamilya.

Follow SMNI News on Twitter