MAGTUTULUNGAN ang OFW Party-list at Governance Commission for GOCCs (GCG) na mai-promote ang mga programa ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga OFW.
Ito ang tiniyak ng dalawang opisina na maibibigay nila ang buong suporta at serbisyo para sa mga OFW kaugnay sa mga programa na inilaan sa kanila ng pamahalaan.
Pinangunahan ni OFW Party-list Rep. Marissa Del Mar Magsino at ni GCG chairperson Justice Alex Quiroz ang memorandum of understanding (MOU) na naglalayong magtutulungan ang dalawang tanggapan na mabigyan ng maayos at mai-promote ang mga programa ng pamahalaan na nakatuon para sa mga OFW.
Kabilang na rito ang Social Security System (SSS), PhilHealth, Overseas Filipino Bank at Pag-IBIG Fund na kabilang sa mga pinangangasiwaan ng GCG na nag-uutos na magbigay ng social services sa mga Pilipino kabilang na ang mga OFW.
Dagdag din ni Cong. Magsino, ang kooperasyon ng kanilang tanggapan sa GCG ay naglalayon na maging maganda, maigting, at matibay ang partnership ng GCG at OFW Party-list sa pagbibigay ng mahahalagang serbisyo para sa kapakanan ng mga OFW kahit saan mang sulok ng mundo.
Hinihikayat din ng kongresista ang mga OFW na kung mayroong katanungan o gustong maintindihan nang mas malawak, ang OFW Party-list ang maghahatid ng mga kasagutan na hindi maliwanag sa mga OFW.