OFW Party-list naghain ng resolution upang paimbestigahan ang mga reklamo sa NAIA

OFW Party-list naghain ng resolution upang paimbestigahan ang mga reklamo sa NAIA

MATAPOS nagpahayag ng pagkabahala ang OFW Party-list kaugnay sa nag-viral na reklamo sa social media ng mga pasahero sa kagat ng surot at pagkakaroon ng daga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), inihain agad ni Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang House Resolution 1615 na naglalayong imbestigahan at tugunan ang mga iniulat na mga nakababahalang mga isyu sa NAIA.

Kabilang dito aniya ang pagkakaroon ng mga peste at vermin, pagsisikip ng trapiko sa loob ng airport complex at mga katabing lugar, at ang mahabang pila sa mga immigration checking counter, na nakakaapekto sa kaginhawahan at kalusugan ng mga pasahero.

Maaarin din aniyang magdulot ito ng pagkasira ng imahe sa bansa sa international stage.

Sa inilabas na pahayag sinabi ni Magsino, kinikilala nito na agad na tinugunan ng mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga reklamo sa mga surot, daga, at ipis sa NAIA.

Gayunpaman, dagdag pa ng kongresista, dahil sa paulit-ulit na problema sa NAIA at napabilang pa sa ikaapat na worst airport sa buong mundo, kailangan aniyang suriin ang mga pinagsama-samang isyu.

“We recognize that the officials of the Manila International Airport Authority (MIAA) immediately addressed the complaints on bed bugs, rats, and cockroaches in NAIA. However, given the repeated problems in NAIA and its tag as one of the world’s worst airports, we have to look into the compounded issues,” wika ni Rep. Marissa “Del Mar” Magsino.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang MIAA dahil aniya may pondo ito at kita para tugunan ang mga malalalang isyu.

Aniya umabot sa mahigit P3-B piso ang net income ng MIAA sa Fiscal Year 2023

Ito ay mula sa terminal fees, concession privileges, at aeronautical fees.

“Sa Fiscal Year 2023, napabalitang umabot sa higit na 3 bilyong piso ang net income ng MIAA mula sa mga terminal fees, concession privileges, at aeronautical fees,” ani Magsino.

Kaya’t ipinagtataka ng kongresisita kung bakit ang sanitation at traffic congestion sa palibot ng NAIA ay malaking isyu kung may pondo naman sa maayos na pagpapatakbo ng paliparan.

“Kaya’t tayo’y nagtataka kung bakit ang sanitation at traffic congestion sa palibot ng NAIA ay malaking isyu kung may pondo naman sa maayos na pagpapatakbo ng ating paliparan,” dagdag ni Magsino.

Giit ni Magsino, nais lamang din ng party-list lawmaker na malaman ang puno’t dulo nito upang magkaroon ng komprehensibong solusyon.

Sa pagsalang ng hearing, mabibigyan din ng pagkakataon ang MIAA officials na ipaliwanag ang kanilang mga hakbang na ginagawa.

Sa huli aniya gusto lang nito lahat na itulak ang kakayahan ng NAIA bilang international gateway at pangalagaan ang interes ng mga pasahero, lalo na ang mga OFW.

“In the end, we all just want to push for NAIA’s competitiveness as an international gateway and safeguard the interests of passengers, especially our OFWs,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble