KINILALA sa Legacy Awards si OFW Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino.
Kasunod ng pagsisimula ng pilot episode ng “OFW, Ikaw ang Bida!” sa SMNI News Channel, tumanggap ng parangal si OFW Party-list Rep. Magsino bilang Outstanding Public Servant – Legislative mula sa Legacy Awards.
Sabado ng gabi sa Okada Manila, nagtipun-tipon ang ilang mga kilalang personalidad at organisasyon mula sa iba’t ibang sektor.
Kinilala ang mga ito sa taunang Legacy Awards dahil sa kanilang mga natatanging kontribusyon sa iba’t ibang larangan.
At isa sa mga pinarangalan ay si Rep. Magsino.
Tinanggap ni Magsino ang parangal na Outstanding Public Servant – Legislative sa Legacy Icon Awards for Business and Profession category.
“For Congresswoman Marissa “Del Mar” Magsino, congratulations. As an OFW, I’m very proud that we are able to recognize the efforts of the OFW Party-list. We are very happy that you are doing all the efforts para matulungan ang mga kababayan nating OFW sa kanilang larangan. And hope to more power and wishing all power to Congresswoman and the programs and the team itself,” pahayag ni Wilfredo Lemque Jr., Chairman, Legacy Awards Council.
“Ito ang sinasabi nating magiging inspirasyon natin para tumulong pa tayo sa ating mga overseas Filipino workers, Overseas Filipinos, and our seafarers at sa lahat ng mga Pilipino sa buong mundo. One Filipinos worldwide po ang ating OFW Party-list. And Legacy Awards, may your thrive increased. At maraming salamat kay Chairman Wilfredo Lemque Jr. sa napakagandang simula ng Legacy Awards na ito,” saad ni Congresswoman Marissa “Del Mar” Magsino, Representative, OFW Party-list.
Programang “OFW, Ikaw ang Bida!” umere na sa SMNI News
Samantala, nitong Sabado rin ay nagsimula na ang pilot episode ng “OFW, Ikaw ang Bida!” sa SMNI News Channel na umeere mula 5:00 ng hapon hanggang 6:00 ng gabi tuwing Sabado.
Layon ng bagong service-oriented show ni Magsino na itaas ang kamalayan at magbigay ng mga praktikal na solusyon sa napakaraming hamon na kinakaharap ng mga OFW.
Tampok din sa nasabing TV program ang mga kuwento ng mga OFW, kabilang ang kanilang mga personal na sakripisyo at mga trabahong propesyonal.
Sa nasabing programa ay mayroon ding talakayan ang mga opisyal ng gobyerno at pribadong stakeholder habang nakikipagtulungan sa sektor ng OFW sa pagbibigay ng mga solusyon sa matagal nang isyu sa labor migration.
Isang segment din ang nagpapakita ng pagsasanay at mga oportunidad sa trabaho na idinisenyo para sa mga OFW.
Nagbibigay rin ang isang viewer-participation segment ng praktikal na payo at tip sa mga isyu na may kinalaman sa OFW at express helpdesk para sa mga netizen.