INIHAYAG ni Representative Marissa del Mar Magsino ng OFW Partylist, na isa na namang pekeng account ang i-pinost sa Facebook ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) Kuwait na nag-aalok ng mga bakanteng trabaho sa mas mabisa, madaling paraan ng proseso at mataas na suweldo para makaalis ng bansa.
Ayon sa kongresista, isa ito sa mga dahilan kung bakit mas lalong tumataas ang bilang ng mga kababayan natin ang nanunuluyan sa shelter sa iba’t ibang bahagi ng mundo kung saan mayroong POLO-OWWA.
Nito lamang nakaraang araw, nag-viral ang mga video na inilabas ng mga distressed OFW sa loob ng shelter ng Kuwait kung saan nagsisiksikan ang mga ito sa lugar.
Ito’y dahil sa iba’t ibang mga problema at kasong kinahaharap ng mga OFW kabilang na rito ang mga nabibiktima ng mga illegal recruiters.
Nanindigan din si Del Mar na hindi lamang ang mga ahensya ng gobyerno ang dapat sisihin sa mga sinasapit ng mga OFW.
May malaking pananagutan din aniya ang mga recruitment agency sa kanilang mga ipinapadalang Pinoy workers sa abroad.
Giit pa ng opisyal, dapat din na may matibay na kasunduan ang employers at OFW bago ito payagan na magtrabaho sa abroad.
Samantala, tiniyak din ng OFW Partylist na bukas ang kanilang tanggapan sa anumang tulong na kailangan ng mga OFW katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Migrant Workers (DMW).