BINUKSAN sa isang mall sa Parañaque City ang ‘OFW Tulong at Serbisyo Center’ para sa mga overseas Filipino worker (OFWs).
Hindi na mahihirapan ngayon ang mga OFW sa pagproseso sa mga kinakailangan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ito ay matapos na buksan nitong Miyerkules ang isang one-stop center para sa kanila sa Ayala Malls Manila Bay – Ang OFW Tulong at Serbisyo Center.
Dito ay pinag-isa ang mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Bukod sa OFWs, tutulungan din ng serbisyo center ang family dependents ng mga ito.
“Ang mga services po natin dito, meron po tayong hospitalization, may burial, medical assistance, may scholarship. Meron po tayong hotline na gagawin din po. Meron kasing 24/7 ang DMW. Pero ang Public Attorney’s Office po ay kapartner natin para magbigay ng legal assistance online. Gayundin po ang Supreme Court of the Philippines, sila po ay mag-oonline bilang lawyer po ninyo kung wala po kayong lawyer para ipagtanggol po kayo sa inyong mga kaso,” ani Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino, OFW Party-list.
May libreng training din sa Serbisyo Center para sa mga OFW.
Present sa opening ang mga opisyal ng DMW, OWWA at mga kongresista ng 19th Congress gaya ni House Minority Leader Nonoy Libanan.
“Ito ay napakalaking bagay para sa DMW dahil alam naming ultimately, ang OFW Party-list din ang maghahandog ng serbisyo kasama ang DMW sa mga mahal nating OFWs,” saad naman ni Usec. Hans Leo Cacdac, Department of Migrant Workers (DMW).
“Ito po ang living testament na yung advocacy po niya ay buhay na buhay para po sa mga OFWs at pamilya po nila. Kami po sa DMW ay nagagalak na makipag-collaborate sa kanilang opisina para pa po paigtingin ang pagtulong sa ating mga OFWs,” ayon kay Usec. Bernard Olalia, DMW.
Nasa aktibidad din sa si House Secretary General Reggie Velasco bilang kinatawan ni House Speaker Martin Romualdez.
“Magko-coordinate kami ni Congresswoman para maipasa yung mga bills niya. Am sure makatutulong lalo sa mga OFWs. Tomorrow I’ll call the committee secretariat para alamin kung nasaan na at kung paano mapapabilis yung mga bills ni Congresswoman Magsino,” wika ni Reginald Velasco, Secretary General, House of Representatives.
“Kaya dito po, pumasok kayo, pumunta kayo, wala pong requirement. Anytime tatanggapin po kayo,” ayon pa kay Rep. Magsino.